top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Fatima at AMA, entra sa semis ng NAASCU

BULGAR
Jun 15, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 15, 2022



Madaling nakamit ng Our Lady of Fatima University at AMA University ang huling dalawang upuan sa semifinals ng 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Seniors Basketball Tournament matapos ang mainitang quarterfinals Lunes sa Novadeci Convention Center sa Novaliches. Binura ng Fatima Phoenix ang Technological University of the Philippines, 74-59, at pinauwi ng AMA Kings ang Philippine Christian University, 84-56.

Lamang lang ng isa ang Phoenix matapos ang tatlong quarter, 51-50, at ipinasok nina Marvel Jimenez at Ivann Salinel ang unang 7 puntos ng huling quarter upang lumayo, 58-50. Saglit pumalag ang Gray Hawks subalit tuluyang lumobo ang agwat at binomba ni Jimenez ang pandiin na 3-points para sa 71-59 lamang papalapit sa last 2 minutes.

Nagtapos si Jimenez na may siyam ng kanyang 17 puntos sa 4th quarter. Sinundan siya nina Christopher Tolentino na may 13 puntos at Kobi Davis na may 11 puntos at 16 rebound.

Mabagal ang simula ng AMA at pinalamang ang Dolphins sa first quarter, 15-13. Huling tumabla ang laban sa 24-24 at mula roon ay walang nakapigil sa paghataw ng Kings na umabot ng 32 ang lamang sa 3-points ni sentro Nikon Alina na may 1 minuto pa sa orasan, 82-50.

Bumanat ng 24 puntos si Reed Baclig sa 27 minuto ng aksyon. Sinuportahan siya ni Alina na may 20 puntos at 17 rebound bilang reserba. Gaganapin ang semis ngayong Miyerkules simula 10 a.m. sa tapatan ng Enderun Colleges at Fatima at ng defending champion Saint Clare College of Caloocan at AMA sa 11:30. Parehong hawak ng St. Clare at Enderun ang twice-to-beat at maaari na nilang wakasan agad ang mga serye habang ipipilit ng Phoenix at Kings na magkaroon ng winner take all sa Biyernes.

Kung sakali, magkakaroon ng trilohiya ang Saints at Titans na nagharap din para sa korona noong 2018 at 2019. Tinalo ng Saint Clare ang Fatima para sa kampeonato noong 2016 habang may isang tropeo ang AMA sa NAASCU noong 2006.


Mga laro ngayong Miyerkules – Novadeci Convention Center

10:00 AM Enderun vs. Fatima. 11:30 AM Saint Clare vs. AMA.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page