Fans naawa, nag-solicit… PISO PARA SA BAGONG CELLPHONE NI MAYOR VICO
- BULGAR
- 3 days ago
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | June 25, 2025
Photo: Vico Sotto - IG
Karamihan ng mga artista at pulitiko ay may magandang cellphone. Pero kakaiba si Pasig Mayor Vico Sotto na lumang cellphone pa rin ang gamit.
Kaya naman, hindi ito nakaligtas sa paningin ng mga netizens. Nag-viral si Mayor Vico sa social media dahil napansin ang kalidad ng mga video na kanyang ipino-post na kuha gamit ang sariling cellphone, dahilan para maisip nilang lumang modelo nga ang cellphone na gamit ng mayor.
Nakakatawa naman ang mga komento ng mga netizens.
Sey nila, “Mayor, send your GCash number #Piso para sa cellphone ni Mayor Vico.”
“Mayor, papayagan ka namin kumuha sa kaban ng bayan, bili ka lang ng bago mong cellphone, please?”
Kung gugustuhin ni Mayor Vico, makakabili siya ng bagong phone dahil kayang-kaya naman niya. Masinop lang talaga sa gamit si Mayor Vico.
Well, napatunayan naman na raw ng buong universe na hindi siya corrupt na public servant, kaya okey lang na palitan na niya ang ginagamit na cellphone.
Samantala, sa panayam naman ng media sa ama ni Mayor Vico na si Vic Sotto, natanong kung may balak ba siyang regaluhan ng bagong cellphone ang anak.
Ang sagot ni Bossing Vic, “Alam mo, ibang klase ‘yung anak kong ‘yun, eh. Ang sabi n’ya, hangga’t hindi sumasabog ‘yung telepono n’ya, hindi magpapalit ‘yun, eh. Ganu’n ang prinsipyo nu’n, ganu’n manindigan ‘yun, eh. But I’m very, very proud of him,” sabay tawa pero halatang proud na proud para sa anak.
Napakaganda ng ginawang pagpapalaki nina Coney Reyes at Vic Sotto kay Mayor Vico. Hindi importante ang magandang cellphone para sa kanya.
Para kay Vico, mas mahalaga ang maayos na serbisyo sa tao kaysa sa mga bagay na magpapakita ng estado o kayamanan.
Congrats sa mga taga-Pasig City, ang galing ng mayor ninyo!
Ibinulgar ng madir…
MICHELLE MADRIGAL, HIRAP MAGKAANAK
MARAMING tagahanga ng aktres na si Michelle Madrigal ang nag-aalala nu’ng kumalat ang balitang may sakit daw ito.
Kaya naman, agad naming kinausap ang mother dearest ni Michelle na dati ring artista na si Kate Madrigal, better known as Karla Kalua.
Si Karla ay artista ng Baby Pascual Films. Nagbida siya sa Magdalena Buong Magdamag (MBM) with the late actress Claudia Zobel at Chikas with Lovely Rivero, Tanya Gomez, Rachel Anne Wolfe & Jaclyn Jose (SLN).
Dalawa ang naging artistang anak ni Karla — sina Michelle at Ehra Madrigal na parehong dating artista ng GMA-7. Si Ehra ay naging cover girl sa FHM noong 2006 at nakabilang sa FHM 100 Sexiest Women in the World list kung saan Top 5 siya noong 2007.
Kinumusta ni yours truly si Michelle kay Karla at kung may balak bang bumalik sa pag-aartista ang dalawa niyang anak.
Ang sagot ni Karla, “Wala namang malalang sakit si Michelle, hirap lang magkaanak. Wala na silang (Michelle & Ehra) planong mag-artista kasi happily married na sina Ehra and Michelle.”
Hindi rin nakalimutang magpasalamat ni Karla sa mga nagmahal sa kanyang mga anak nu’ng nag-aartista pa sila at kay yours truly na naging mentor at friend forever niya.
You’re welcome, my dear friend.
SA social media post ni Melai Cantiveros ay nagbahagi siya ng larawan kasama si Gerald Anderson at may caption na: “Hello, it’s me, Julia Burrito with Gerald @andersongeraldjr char char lang. Kung kayo ay mga Gen (generation) Z, kami man ni Gerald ay GenZan, mga proud taga-GenSan.
“Please watch kayo ng Sins of the Father kay maayu kaayu si Gerald sa iyahang role and after sa Sins of the Father, manood na agad kayu ng KuanOnOne sa ABS-CBN YouTube channel and i-type ang KuanOnOne sa iWantTFC @iwanttfc.”
Oh, guys, hindi si Julia Barretto ang kasama ni Gerald Anderson, ha? Walang iba kundi si ‘Julia Burrito’.
“MAGHARI nawa sa mga makapangyarihan ang kanilang mga puso at paniniwala sa Diyos, hindi ang paniniwala sa kanilang mga talino at sarili. Magtagumpay nawa ang kapayapaan, hindi ang karahasan,” ito ang sinabi ni Senator Robin Padilla sa kanyang social media post.
Ito ay patungkol sa giyera na kinakaharap ngayon ng Israel, Iran, United States of America (USA) at Palestine. Maaari kasing magsimula ito ng mas malaking problema, hindi lang sa buong Middle East kundi pati sa buong mundo.
Nawa’y magkaroon na ng kapayapaan at hindi na matuloy ang giyera.
‘Yun lang and I thank you.
Comments