Fans, ‘di na nagulat… HEAVEN, KINUMPIRMANG BREAK NA SILA NI MARCO PERO FRIENDS PA RIN
- BULGAR

- Jul 26, 2025
- 3 min read
ni Nitz Miralles @Bida | July 26, 2025
Image: Marco at Heaven / File
Maganda ang naging breakup nina Heaven Peralejo at Marco Gallo dahil walang parinigan at walang cryptic post on both sides. Kaya pati ang mga fans, tahimik at tinanggap na hiwalay na ang isini-ship nilang couple.
Katunayan, may nakita kaming MarVen (Marco at Heaven) fans ng dalawa sa cast reveal ng Viva One series na I Love You Since 1892 (ILYS 1892) na pagbibidahan ni Heaven.
May dalang cartolina ang mga fans na may nakasulat na MarVen at masayang nakihalubilo si Heaven. Nakita ‘yun ng aktres at siguradong natuwa, dahil kahit wala na sila ng ex, suportado pa rin sila ng kanilang mga fans. For sure, kapag si Marco naman ang nagka-project, nakasuporta rin ang mga MarVen fans.
Parang wala nang nagulat nang kumpirmahin ni Heaven na break na sila ni Marco, dahil matagal nang napansin ng mga fans na deleted na ang photos nila together sa kani-kanyang Instagram (IG). Ang natira na lang ay video ng endorsements nila. Sabi naman ng mga fans, hindi na counted ‘yun.
Kaya wala nang masyadong nasaktan sa inamin ni Heaven na, “We’re not together anymore. It was a mutual decision to part ways and, you know, move forward individually. We’re okay. We’re good friends. Sana maintindihan po ng mga taong nagmamahal sa amin at tuluy-tuloy pa rin po ang pagsuporta kahit we’re in different path na.”
Dagdag ni Heaven, friends na sila ni Marco bago pa sila nagkarelasyon at nakatulong ‘yun para walang bad blood sa kanilang dalawa.
Aniya, “Before naman po naging kami, we were good friends. ‘Yun po ang naging foundation namin. At saka it was a mutual decision.”
Masaya sina Heaven at Marco na ipagpatuloy ang kanilang career nang wala na ang isa’t isa. Si Heaven nga, busy sa taping ng ILYS 1892 at challenge sa kanya ang project dahil first time niyang gaganap ng dual role bilang sina Carmela Isabella at Carmelita Montecarlos, at makakapareha niya sina Jerome Ponce as Juanito Alfonso at Joseph Marco as Leandro Flores.
“Binabasa ko pa lang ang script, sobrang complex na ang two characters na ginagampanan ko. I have to make sure pagpunta ko ng set ni Direk Mac Alejandre, alam ko na ang mangyayari. This is a good challenge for me,” sabi ni Heaven.
Sometime in August ang streaming ng ILYS 1892 sa Viva One, isa sa mga controversial projects ni Heaven dahil may mga gustong si Janella Salvador sana ang gumanap sa role.
NAKAKATUWA si Jak Roberto, aliw na aliw sa binili niyang toilet bowl na ‘smart toilet’ ang tawag. Gamit ang remote control, hindi ka na mag-e-effort na itaas ang lid nito, automatic na.
May sensor din ang toilet bowl after mong gamitin, itatapat lang ang paa at magsasara na ang cover. Kaya sabi ni Jak, hindi pa man naikakabit sa new house niya, gusto na niyang gamitin.
Nakakabilib si Jak, mag-isa at hands-on sa pagpapatayo ng bahay at paglalagay ng mga amenities. No wonder, naiyak si Sanya Lopez nang mapadaan sa bahay ng kapatid, dahil mag-isang binuno ni Jak at hindi yata humingi ng tulong sa kanya.
Marunong humawak ng pera ang aktor ng My Father’s Wife (MFW). Bukod sa bahay, may new car din siya, isang hybrid electric vehicle, at isa siya sa mga taga-showbiz na may ganitong sasakyan.
Ang kulang na lang kay Jak ay love life. Nakalulungkot na kung kailan natapos na ang bahay niya, wala na si Barbie Forteza sa tabi niya. Ang maganda lang, maayos ang kanilang paghihiwalay, nakakangiti sila sa isa’t isa kapag nagkikita at keri nilang mag-usap at magkumustahan.
Inaabangan na kung sino ang magiging girlfriend ni Jak, at magiging asawa na iuuwi niya sa kanyang magandang bahay.
MAGRE-REACT nito ang mga bashers ni Kyline Alcantara, lalo na ‘yung mga tumatawag sa kanya na pasosyal, social climber, at trying hard maging fashionista, dahil pati si KC Concepcion, napansin siya.
Mukha ngang regular na si KC sa pagbisita at pagko-comment sa Instagram (IG) ni Kyline. Dahil sa post ng Kapuso actress, nag-comment si KC ng “Hey, gorge (gorgeous). SO HAPPY TO SEE YOU, after all this time.”
Sa isa pang post ni Kyline ng famous French dessert, sabi ni KC, “I should be telling you this after seeing you tonight.”
So, nagkita pala ang dalawa, ano kaya ang kanilang pinag-usapan?
Samantala, paalis si Kyline para sa show nila nina Ruru Madrid at Ai Ai delas Alas, at ang nasabing show abroad ang isa sa kanyang pinagkakaabalahan, bukod sa Beauty Empire (BE) kasama sina Barbie Forteza at Ruffa Gutierrez.










Comments