top of page
Search
  • BULGAR

Fake news, sumasabay na sa bonus at ayuda, dapat mag-ingat!

@Editorial | December 14, 2023


Dahil uso ang bigayan ng bonus at ayuda, mag-ingat sa mga nakikisabay na fake news para ‘di umasa at mabiktima.

 

Agad na pinabulaanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang social media post na nag-aalok ng P5,000 Christmas payout.

 

Sa isang pahayag, hinimok ng ahensya ang publiko na huwag pansinin ang isang post ng video application at huwag i-click ang kalakip na link para makapagrehistro at makatanggap ng cash grant.

 

Malinaw ang pahayag, ang DSWD ay hindi umano namimigay ng anumang regalo sa Pasko sa pamamagitan lamang ng pagrehistro sa isang link.

 

Dagdag ng nasabing departamento, ang mga dokumento tulad ng identification card ay kinakailangan para makapag-claim ng tulong o mga payout mula sa DSWD at hindi ‘yung basta magki-click ka lang ng link.

 

Kaya panawagan sa lahat, dapat maniwala lamang sa mga anunsyo na naka-post sa mga opisyal na site at social media pages.

 

Manatiling maging mapagbantay at laging i-verify ang hindi pamilyar na online content at huwag agad maniwala sa mga nakikita sa internet.

 

Sa mga nagpapakalat naman ng mga ganitong kalokohan, tigilan n’yo na. Hindi man kayo mapanagot sa ngayon, tiyak matatapos din ang inyong maliligayang araw dahil may balik ‘yan.

 

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page