top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Fake news sa bakuna, pahirap sa vaccination nina lolo’t lola

  • BULGAR
  • Jul 9, 2021
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | July 09, 2021


Malaking hamon sa bansa ang kawalan ng tiwala ng taumbayan sa pagpapabakuna, kaya naging pahirapan ang pag-usad ng vaccination program nang simulan ito ng pamahalaan.


Matatandaang kabilang ang senior citizens sa mga prayoridad na mabakunahan, pero makalipas ang ilang buwan ng pagbabakuna, mababa pa rin ang numero ng mga nasa edad 60 pataas na nagpapabakuna.


Gayunman, giit ng isang opisyal ng Department of Health (DOH), ang mali at kulang na impormasyon ang dahilan kaya maraming senior citizens ang takot magpabakuna kontra COVID-19.


Ayon kay Dr. Nina Castillo-Carandang, miyembro ng National Immunization Technical Advisory Group, na kulang pa rin ang pagpapaliwanag sa mga senior citizens sa epekto ng bakuna.


Base sa datos ng DOH, nasa 736,519 o 8.90% lamang ng 8.27 milyong senior citizens ang ‘fully vaccinated’, habang 2.42 milyon o 29.32% ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna.


Target ng gobyerno na mabakunahan ang mahigit 8.2 milyong senior citizens sa bansa.


Sa totoo lang, “fake news” talaga ang isa malalaking hamon na kinahaharap ng gobyerno sa isinisagawang national vaccination program. Matatandaang tumaas pa nga ang vaccine hesitancy dahil maraming natakot makaranas ng side effects nito.


Gayunman, hindi natin masisisi ang mga nakatatanda kung nauunahan sila ng takot, pero mahalagang maipaunawa natin kung gaano kahalaga ang bakuna at tungkulin ng mga ahensiya ng gobyerno at eksperto na habaan pa ang pasensiya sa pagpapaliwanag kina lolo at lola na ligtas ang magpabakuna.


Mula noon, walang nagawang maganda ang pagpapakalat ng fake news, kaya panawagan sa lahat, iwasan ninyong magpakalat ng maling impormasyon.


Malaking pagsubok na ang mahikayat ang marami nating kababayan na magpabakuna, tapos daragdagan n’yo pa ng fake news tungkol sa bakuna.


Kung wala kayong magawa, manahimik na lang kayo. ‘Wag na kayong dumagdag sa problemang kinahaharap ng bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page