Fajardo less Gilas sa HK hindi aatras
ni Anthony Servinio @Sports | February 21, 2024

Laro ngayong Huwebes – Tsuen Wan Stadium
8 p.m. Hong Kong vs. Pilipinas
Dumating na kahapon ang Gilas Pilipinas sa Hong Kong para sa unang laro sa 2025 FIBA-Asia Cup Qualifiers Grupo B kontra host simula 8 ng gabi ngayong Huwebes sa Tsuen Wan Stadium.
Kahit kulang ng isa, lalaban pa rin ang 11 manlalaro ng pambansang koponan sa pagbukas ng bagong kabanata sa gabay ni Coach Tim Cone.
Bunga ng mga pilay sa mga sentro June Mar Fajardo (alak-alakan) at AJ Edu (tuhod), idinagdag si Japeth Aguilar na magsisilbing sentro kasama ni Kai Sotto. Tutulong din sa paghakot ng rebound at depensa si Justine Brownlee na binigyan na ng permiso ng FIBA na ituloy ang paglalaro matapos masangkot sa umano'y positibong drug test noong Hangzhou Asian Games.
Solido pa rin ang mga forward na sina Carl Tamayo, Kevin Quiambao, Jamie Malonzo at Calvin Oftana. Ang mga guwardiya ay sina Scottie Thompson, Chris Newsome at CJ Perez subalit sa sistema ni Coach Cone ay asahan na magpapalitan ng papel ang mga manlalaro.
Kahit may suliranin sa mga malaki, papasok ang Gilas na lamang pa rin sa tangkad. Ang tanging matunog na pangalan sa Hong Kong na dating Bay Area Dragon sa PBA Duncan Reid ay ang kanilang pinakamatangkad sa 6’8” at lahat ng kanyang kakampi ay 6’4” pababa.
Ang iba pang dapat abangan sa Hong Kong ay sina forward Leung Shiu Wah at point guard Ricky Yang na parehong mahusay ang pinakita sa Pre-Qualifiers mula Nobyembre, 2022 hanggang Pebrero, 2023. Maliban sa dalawa, sina forward Tsoi Lung Tak at guard Oliver Xu ang babalik sa koponan at ang walong iba pa kasama si Reid ay hindi kasama sa Pre-Qualifiers.
Bago lumipad noong Martes ng umaga, nagdaos ng pampublikong ensayo ang Gilas sa Philsports Arena noong Lunes ng gabi. Nagsilbi itong despedida at pagkakataon para sa mga tagahanga na makasalamuha ang kanilang mga idolo bago sumabak sa aksyon.





Comments