top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Face shield bilang dagdagproteksiyon vs. COVID-19,epektibo ba talaga?

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 5, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 05, 2021



Kabilang ang Pilipinas sa ilang bansa na nagre-require ng paggamit ng face shield sa mga pampublikong lugar.


Ito ay dahil naniniwala ang pamahalaan na nagbibigay ito ng karagdagang-proteksiyon kontra COVID-19. At kahit marami tayong kababayan na hindi naniniwalang nakatutulong ito, no choice kundi sumunod.


Gayunman, matapos sabihin ng World Health Organization (WHO) na kailangan pa ng maraming ebidensiya upang mapatunayan kung talagang epektibo kontra COVID-19 ang face shield, naninindigan ang Malacañang na hindi dapat ipatigil ang paggamit nito.


Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mas makabubuting hintayin na lamang ang WHO na maglabas ng expert opinion kung mabisa o hindi ang paggamit ng face shield.


Dagdag pa ng opisyal, ang pag-oobliga sa paggamit ng face shield sa bansa ay base na rin sa rekomendasyon ng medical experts.


Palaisipan pa rin sa marami nating kababayan kung talagang epektibo ang paggamit ng face shield bilang karagdagang proteksiyon kontra COVID-19.


At sa kabila ng mga panawagang ‘wag na itong ipatupad, tuloy pa rin ang umiiral na protocols kaugnay nito.


Sa totoo lang, maraming duda kung talagang nakatutulong ang face shield bilang dagdag-proteksiyon laban sa virus, gayundin, dagdag-gastos at dagdag-kalat lang umano ang mga ito.


Kaya ang tanong, ano ang totoo, may dagdag-proteksiyon ba talaga o dagdag-gastos lang?


Kung kinakailangang pag-aralan pa ang karanasan ng Pilipinas para mapatunayang epektibo nga ito, gawin na. Kapag napatunayan namang nakatutulong ito, ituloy ang pagpapatupad, pero ‘pag hindi, stop na.


Huwag na nating hayaan ang ating mga kababayan na lalo pang mahirapan dahil sa mga ganitong hakbang.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page