F2F-dalaw sa mga inmates, aprub — BJMP
ni Lolet Abania | December 15, 2022

Maaari nang bumisita ngayon ng face-to-face ang mga kaanak ng mga inmates na nasa piitan, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay BJMP spokesperson Superintendent Xavier Solda, prayoridad sa listahan ng mga papayagang bumisita ang mga immediate families ng mga inmate.
“Meron tayong listahan ng mga pamilya o immediate families ng mga (persons deprived of liberty) natin, kinukuha na ito pagpasok pa lang nila doon sa mga facilities ng BJMP.
So immediate family, sila muna po ‘yung priority natin,” saad ni Solda.
Sinabi ni Solda, kailangan na fully vaccinated na kontra COVID-19 ang mga dadalaw na pamilya.
“Preferably nga dapat may booster na. Ngayon, meron tayong mga kababayan, for health and religious belief reasons, hindi sila nagpabakuna. Wala namang problema basta magdala lamang sila ng negative results ng kanilang RT-PCR, 72 hours before ng bisita and 24 hours naman para sa antigen results,” sabi pa ni Solda.
Giit ng opisyal, importante ito dahil maaari nang mayakap ng mga preso ang kanilang mga kamag-anak na bibisita ngayong Kapaskuhan.
“We did a run-through nitong resumption ng ating contact visitation, last month meron pa ‘yang physical barriers ‘no, may transparent barriers pa ‘yan, pero ngayon, nakaupo na sila sa bangko, nasa isang mesa na sila, maaari nang magkahawak ng kamay, maaari na pong magyakap ‘yung mga pamilya,” pahayag ni Solda.
“At kaya nga natin isinulong ito kasi hindi lang naman physical or health concerns, pati ‘yung mental health nila, kailangan na rin natin ma-address kasi 2 years wala na ring mga bisita ‘yan,” paliwanag niya.
Paalala naman ni Solda, kailangan munang makipag-ugnayan ang mga kamag-anak ng mga inmates sa mga piitan para sa iskedyul ng kanilang pagbisita.
“Kasi hindi natin pwede mapayagan 100 percent ng total jail population ay makabisita lahat ng pamilya ‘no. ‘Yung importante ‘yung health and security protocols na ini-implement ng BJMP,” giit ni Solda.
“Para mapagbigyan lahat ‘no kasi hindi naman lahat ng facilities, meron silang luxury of space, meron lang tayong espasyo doon na ‘yun ang ginagawa natin muna na visitation area,” sabi ng opisyal.
Ayon pa kay Solda, ang haba ng oras sa pagbisita ay nakabatay sa mga dadalaw sa piitan kada araw.
“So halimbawa po pupuwede silang mabigyan ng isa, o isang oras o dalawang oras, depende po sa dami.
Ngayon kung halimbawa iilan lang naman at kayang ma-accommodate doon sa visitation area, then mas mahaba,” ani Solda.
Ang nakaiskedyul ng pagbisita ay simula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon mula Martes hanggang Huwebes, at simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali at ala-1:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon tuwing Sabado at Linggo.
Binanggit naman ni Solda na walang iskedyul ng dalaw tuwing Lunes at Biyernes upang mabigyang-daan ang paglilinis at disinfect ng mga pasilidad ng BJMP.





Comments