top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

F2f classes sa public school, puwedeng isuspinde dahil sa El Niño

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 14, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Marso 14, 2024


May awtoridad ang mga school head na suspendihin ang mga klase dahil sa nararanasang matinding init na dulot ng El Niño phenomenon.


Ayon kay Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Francis Bringas, muli nilang ipinaaalala ang nasabing polisiya hinggil sa pagsuspinde ng mga klase sa lahat ng mga pampublikong paaralan sanhi ng inaasahang matagal na epekto ng El Niño na aabot ng May 2024.


Sinabi ni Bringas na dahil sila ang mga tagapamahala ng paaralan o school managers, binibigyan sila ng awtoridad na magsuspinde ng mga klase at inaasahan nila na magsasagawa ng napakahusay na pagpapasya o discretion pagdating sa suspensyon ng mga klase, kabilang na ang pagbibigay ng mga intervention activities para sa mga nawawalang oras sa pag-aaral.


Nauna nang nagsuspinde ng mga klase sa lahat ng antas, ang lokal na gobyerno ng Negros Occidental nitong Lunes, March 11, bilang antisipasyon nila sa pagpalo ng heat index sa lugar na nasa 41 degrees Celsius.


Sinuspinde rin ang mga klase sa senior high school sa Bacolod City upang mapangalagaan at maprotektahan ang mga estudyante at iba pang staff mula sa mainit na temperatura na posibleng magdulot sa kanila ng heat cramps, heat exhaustion o heat stroke.


Naghahanda naman ang mga iskul sa Metro Manila ng mga cold water dispenser at electric fan units habang sinuspinde na nila ang mga outdoor activities bilang panlaban sa mainit na panahon.


Binanggit din ni Bringas na ang mga estudyante at guro ay maaaring magsuot ng mas komportableng damit maliban sa mga regular uniforms para mabawasan ang init na kanilang nararamdaman habang nasa loob ng paaralan.


Mabuti at ipinatupad uli ng kinauukulan ang polisiya sa pagsususpinde ng klase sa mga public school na matinding naapektuhan ng El Niño.


Kung tutuusin ay ipinatupad na ito noon dahil din sa matinding init ng panahon na naranasan ng mga mag-aaral.


Kaysa abutin pa ng pagkakasakit ang mga estudyante, mga guro at staff ng paaralan ay tamang sa bahay na lamang sila o ibalik na muna sa online ang kanilang mga klase.


Mas tumitindi na rin kasi ang init ng panahon na umaabot ang temperatura sa 40 degrees Celsius sa maraming lugar at maaaring tumaas pa kaya marapat na magdoble-ingat tayo at iwasan talaga ang magbilad sa araw. 


Hiling lang natin na sana ay handa na rin ang ating mga ospital at health facilities sa ganitong panahon upang agad nilang mabigyan ng paunang lunas ang sinumang tatamaan ng sakit dulot ng El Niño, at masigurong hindi maaantala ang paghahatid nila ng serbisyo sa mga mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page