top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

F. Sionil Jose, salamat sa pagsusulat, pagmumulat at pagbibigay-buhay

BULGAR
May 21, 2022
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 21, 2022


Tahimik, mahusay at piling-pili ang mga bahagi ng programa ng Pambansang Parangal para kay F. Sionil Jose na naganap noong nakaraang Miyerkules, ika-18 ng Mayo 2022 sa Cultural Center of the Philippines.


Bago magsimula ang nasa isa’t kalahating oras na parangal para sa pumanaw na Pambansang Alagad ng Sining na si F. Sionil Jose, napakiusapan tayong mag-alay ng pagninilay-panalangin para sa yumaong manunulat.


Ngayong wala na si F. Sionil Jose, puwede na ba nating kalimutan ang kanyang mga sinulat at ang kahalagahan nito para sa ating katinuan at kalayaan? Hindi! Hinding-hindi dapat kalimutan si Jose dahil ang mismong pag-alala, paggunita at pagtanggol sa memorya ang dahilan ng kanyang pagsusulat at pagmumulat.


Dapat lang balik-balikan ang mga sinulat ni F. Sionil Jose, ngayong nanganganib nang magtuluy-tuloy ang rebisyonismo (revisionism), ang pagbubura, pagpapalit, pagpapabango at pagpapaganda ng kasaysayan para pumabor sa mga may hawak ng poder at kaban ng pamahalaan.


Mabigat ang hamon ngayon sa mga mamamahayag ng katotohanan. Noong araw, ang pangunahing sandata ng pamamahayag ay ang pagsusulat na gamit ang pluma o ballpen at papel. Ngayong panahon ng social media, kailangang matutunang harapin at hamunin ang malawak at makamandag na sapot ng fake news o ng kasinungalingang kinakalat gamit ang internet.


Kailangan ang bagong bersyon ni F. Sionil Jose na mayroong dalawang galing, ang pagsusulat at paggamit ng social media.


Oo, kailangan ngayon ang mga multi-media na mandirigma para sa katotohanan. Ganunpaman, heto ang panalangin para kay F. Sionil Jose at para sa bansang inalayan niya ng pawis, dugo at galing.


“Sa bawat yugto ng kasaysayan ng anumang bansa, hindi lang ang kalayaan ng mamamayan ang nalalagay sa alanganin kundi ang katotohanan. At laging may bantang mawalay ang mga sanga ng bawat mamamayan sa puno ng buhay at katotohanan. Malaki ang kawalan kapag nangyari ito. Malinaw ang sinasabi ng Panginoon sa Ebanghelyo:


“Hindi makapamumunga ang sanga sa ganang sarili, malibang mamalagi ito sa puno ng ubas; gayundin naman kayo, malibang mamalagi kayo sa akin. Ako siyang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang mamalagi sa akin at ako sa kanya, siya ang namumunga nang sagana pagkat hiwalay sa aki’y hindi kayo makagagawa ng anuman.” (Juan 15:1-8)

Alam ni Sionil ang kahalagahan ng katotohanan. Alam niya ang hamon na laging hanapin, pakinggan, suyuin at ipakilala ang Diyos ng Katotohanan.


Sa isang panayam, kanyang sinabi, “Our tasks as writers is to protect memory because without memory a people will die.” Alam din niya ang lakas at kapangyarihang dulot ng katotohanan. Ito ang kanyang sinulat noong ika-26 ng Oktubre 2020:


“Yes the truth will endow you with massive strength. No calumny, betrayal or lies can hurt you since your conscience is pure; it will be natural for you to even be humane and compassionate, and it will be easy for you to forgive those who wronged you. And perhaps, just perhaps, as the good Lord said, it may even be possible for you to love those who stabbed you in the back.”


At hinaharap natin ngayon ang banta at panganib ng pangkalahatang pagkalimot o universal amnesia. Kailangan nating magpalakas at maging matapang sa paghahanap, pagtatanggol at pamamahayag sa katotohanan. Kailangan nating maging handang harapin ang paninira, pagtatatwa, panggigipit at pagbubura sa katotohanan at pagsasandata sa kasinungalingan. At dito nagtatagpo ang sining ng manunulat at ang misyon ng Simbahan: “Ang paalalahanan ang lahat kung sino at ano tayo nang walang pagbabaluktot at pag-aayon sa agenda ninuman o anuman.” (Richard Rohr, Immortal Diamond, pp 10-11)


Madulas, mapaglaro ang katotohanan. Ito ang sinulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto (1 Cor 13:12):


“Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin, ngunit darating ang araw na makikita natin siya nang mukhaan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon; ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng pagkakilala sa akin ng Diyos.”


Paalam Sionil at salamat sa iyong naging dakila’t banal na ambag. Naririyan ang lahat ng iyong sinulat, ngunit higit dito, naririto ang iyong diwa’t espiritu ng pagsamba, paghahanap, panunuyo’t pagsusulat ng katotohanan. Tulad ng mga nauna nang alagad ng sining, sinikap mong iligtas ang isang panahong nagpadilim sa ating kasaysayan.

Ngunit, buhay at hindi papanaw at kelan ma’y hindi manghihina ang diwang pinalalakas at pinatapang ng katotohanan… tulad mo, tulad ng maraming katulad mo, kami ay magsisikap at magtitiyagang magmulat, magsulat at laging mamahayag… Amen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page