Extrajudicial killing, nais gawing heinous crime
- BULGAR
- Oct 13, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 13, 2024

Upang ituring bilang heinous crime ang extra judicial killings na may parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong at walang parole sa sinumang mapatunayang nagkasala, isang panukala na ang inihain sa House of Representatives.
Si Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., kasama sina House Quad Committee co-chairpersons Robert Ace Barbers, Bienvenido Abante, Dan Fernandez, at Stephen Joseph Paduano at vice-chair Romeo Acop, ay naghain ng House Bill 10986 o ang panukalang Anti- Extrajudicial Killing Act.
Base sa nakasaad sa HB 10986, “This bill seeks to explicitly criminalize extrajudicial killings, ensuring that any individual, regardless of rank or position, who is found guilty of participating in, authorizing, or condoning such acts will face appropriate criminal penalties.”
Layon ng naturang panukala na bigyang hustisya ang mga biktima at papanagutin ang mga masasangkot sa krimen at mga may kasalanan.
Ayon sa mga may-akda ng bill, ang EJK ay isang malaking banta sa rule of law, demokrasya at karapatang pantao. Anila pa, ang kakulangan ng pananagutan para sa
mga naturang krimen ay nag-aambag sa isang tinatawag na “culture of impunity”.
Binigyang-diin din nila na ang mga EJK ay tumutukoy bilang unlawful killings na isinasagawa ng state agents o mga indibidwal na kumikilos nang may pahintulot o pagpapahintulot ng mga awtoridad.
Iminumungkahi naman ng nasabing panukala ang pagklasipika ng mga EJK bilang mga heinous crime o karumal-dumal na krimen, na subject sa mga convicted o nahatulan ng matinding parusa, kabilang ang habambuhay na pagkakakulong o reclusion perpetua nang walang posibilidad na parole.
Batay pa sa HB 10986, ang sinumang state agent na mapatunayang guilty sa pag-commit o pagsasagawa ng EJK ay mahaharap sa habambuhay na pagkakakulong.
Nakapaloob din dito ang pagbibigay reparation o danyos sa mga pamilya ng mga biktima ng EJK sa pamamagitan ng bubuuing Extrajudicial Killing Claims Board.
Panahon na siguro para ikonsidera na heinous crime ang mga insidente ng EJK sa ating bansa.
Marami na rin kasi ang nagsusumigaw ng hustisya mula sa mga pamilya ng mga naging biktima ng EJK.
Posible pa ngang umabot ng libu-libo ang mga napatay na indibidwal dahil sa droga sa mga operasyon ng pulisya na maaaring hindi naire-report, kaya tama lang na pag-ukulan ito ng pansin.
Totoong mabigat na usapin ang EJK, subalit kailangan itong resolbahin ng kinauukulan para na rin sa kapanatagan ng taumbayan.
At sakaling maging ganap na batas na maiiwasan na ang ganitong uri ng krimen habang mapaparusahan din ang mga may sala.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Kommentare