Express lanes para sa PWD
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 18, 2022
Dear Chief Acosta,
Noong isang araw ay kalahating oras akong nakapila sa bilihan ng cake para sa birthday ng aking anak. Nang ako na ang susunod sa pila, laking gulat ko nang bigla na lamang pinasingit ng cashier sa aking harapan ang limang kataong hindi naman pumila. Tinanong ko ang cashier hinggil dito at ang sabi lamang niya ay binigyan niya ng prayoridad ang mga iyon dahil sila ay Persons with Disability (PWD). Tama ba ginawa ng cashier? - Matilda
Dear Matilda,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay Republic Act (R.A.) No. 9442, as amended by R.A. No. 10754, o mas kilala sa tawag na “Magna Carta for Persons with Disability”. Alinsunod sa nasabing batas, mayroong mga karapatan at benepisyo na iginawad ang ating gobyerno sa mga persons with disability (PWD).
Kaugnay nito, nakasaad sa Section 10 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. No. 10754 na:
“Section 10. Express Lanes for Persons with Disabilities – Express lanes for persons with disability shall be provided in all commercial and government establishments. In the absence thereof, priority shall be given to them in all the transactions of the establishments. x x x”
Ayon sa batas, dapat magbigay ng mga express lanes ang lahat ng mga establisimyento, ito man ay pribado o opisina ng gobyerno, para sa mga PWD. Kung walang maibigay na express lane ang establisimyento, dapat nilang bigyan ng prayoridad ang mga PWD sa lahat ng kanilang transaksyon. Ibig sabihin, tama lamang na binigyan ng prayoridad ng nasabing cashier ang kapwa mo customer na PWD.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments