Ex-PNP Chief Cascolan, bagong DOH usec.
ni Lolet Abania | October 23, 2022

Itinalaga si dating Philippine National Police (PNP) chief Camilo Cascolan bilang undersecretary ng Department of Health (DOH), ito ang kinumpirma ng ahensiya ngayong Linggo.
Papalitan ni Cascolan si Roger Tong-an sa posisyon na undersecretary, at si Atty. Charade Mercado-Grande ay na-appoint din bilang assistant secretary.
Ayon sa DOH, agad naman silang magbibigay ng iba pang mga detalye tungkol sa mga bagong appointments kapag available na ang mga ito.
Bago ang kanyang appointment sa DOH, itinalaga si Cascolan bilang undersecretary sa Office of the President noong Pebrero 2021. Nagsilbi rin siya bilang PNP chief mula Setyembre hanggang Nobyembre 2020.
Nanungkulan din si Cascolan sa iba’t ibang posisyon sa PNP, kabilang na ang director ng PNP Civil Security Group at chief ng Directorial Staff ng PNP.
Nakabilang naman si Cascolan sa Philippine Military Academy Sinagtala Class of 1986, kasama sina dating PNP chiefs, Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at Oscar Albayalde.
Samantala, wala pa ring naitatalagang Secretary sa DOH, kung saan halos apat na buwan na simula nang maupo sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.





Comments