Ex-PBA shooter 'Nonoy' pumanaw sa edad 55
- BULGAR

- Jan 5, 2021
- 1 min read
Updated: Jan 9, 2021
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 5, 2021

Pangalawang araw pa lang ng Bagong Taon 2021 ay nagulat ang mundo ng Philippine Basketball sa biglang pagpanaw ng matinik na shooter na si Emilio “Nonoy” Chuatico sa edad na 55 matapos ang matagal at matapang na laban sa kanser sa Estados Unidos. Sumikat si Chuatico bilang bahagi ng Ginebra San Miguel at Purefoods sa PBA mula 1992 hanggang 1995.
Unang nakilala ang tubong Bacolod sa Ateneo de Manila University. Sa kanyang huling UAAP noong 1987, nakamit ng Blue Eagles ang kanilang pinakaunang kampeonato sa liga kung saan nagsilbi siyang kapitan. Nagwagi rin si Chuatico ng gintong medalya sa 1991 Southeast Asian Games matapos talunin ng Pilipinas ang Thailand sa Araneta Coliseum. Ang kanyang mahusay na ipinakita ay sapat para kunin siya ng Ginebra sa 1992 PBA Rookie Draft.
Tatlong taon ang itinagal niya sa Ginebra at napunta siya sa Purefoods bago magsimula ang PBA 1995 kapalit ng kapwa Atenista na si Vince Hizon. Iyan na rin ang kanyang ika-apat at huling taon sa liga kung saan nagtala siya ng numero na 5.0 puntos bawat laro.
Sinubukan ni Chuatico na bumalik sa paglalaro bilang isa sa mga orihinal na manlalaro ng Manila Metrostars sa Metropolitan Basketball Association (MBA) noong 1998. Sa gitna ng taon ay inakyat siya bilang bahagi ng coaching staff.
Agad bumuhos ang pagpupugay sa social media buhat sa mga kaibigan at dating kakampi. Nakatakda sanang gunitain ni Nonoy ang kanyang ika-56 na kaarawan sa Pebrero 22.




Comments