Ex-OFW, makapag-a-abroad ulit kahit masyonda na
- BULGAR
- Jun 7, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 07, 2021
Dear Maestro,
Ako ay dating OFW at umuwi ako rito noong 2019 sa pag-aakalang malaki-laki na ang naipon kong pera na ipinadadala ko sa aking nanay. Puwede na sanang ipampagawa ng bahay at ipagpatayo ng maliit na grocery, pero hindi nangyari ang pangarap ko at huli na nang malaman kong in-invest pala ng mga magulang ko sa pyramiding ang pera na pinaghirapan ko ng halos pitong taon sa abroad. Pilit naming hinahabol ang mga taong nanloko sa amin, pero nagtatago na sila.
Sa ngayon, nag-a-apply na naman ako at hindi ko alam kung makakaalis pa ako dahil medyo may edad na ako at may pandemya pa. Sa palagay mo, malulusutan ba namin ang problemang ito? Ngayong may aplikasyon ulit ako sa dati kong agency, makakaalis pa ba ako ngayong taon at kapag nakapag-abroad ako, magiging maganda ba ulit ang kapalaran ko sa ibang bansa? June 8, 1984 ang birthday ko.
Umaasa,
Gemini ng San Carlos, Mexico, Pampanga
Dear Gemini,
Huwag ka nang malungkot dahil isang batas ng kalikasan na hindi mapapasubalian, na kapag may nawala, may darating at kapag may binawi, may muling matatanggap at kapag tinalbusan ang kamoteng baging, lalo itong lumalago at dumarami ang mga dahon at sanga.
Sa isang pamilya, mapapansin na kapag mahina na sina lolo at lola, may mga apo namang naglalakihan upang pumalit o dumagdag sa inyong angkan.
Walang iniwan sa isang nabulok na bunga ng bayabas na napigtas sa sanga at nahulog sa lupa. Bukas makalawa, sumusupling ang panibagong maliliit na binhi mula sa nabulok na bunga ng bayabas at paglipas ng ilang mga taon, ang dating maliit na supling ng bayabas ang siya namang mahihitik ng panibagong mga bunga sa tag-araw.
Ganyan talaga ang natural na batas ng kalikasan na inorasyon ni Lord at idinesenyo ng kalikasan sa bawat may buhay ang orasyong, “to multiply” o magpakarami at kalatan ang buong daigdig.
Ang problema, ang batas-kalikasang ito ay hindi kadalasang nangyayari sa isang tao. Sapagkat ang tao, hindi tulad ng halaman at hayop, masyado siyang madaling sumuko. Ang tao kasi ay likas na mainipin at kaunting pagsubok lang, nalulungkot at pinanghihinaan agad ng loob. Dahil dito, imbes na muling umusbong at madagdagan ang dahon, agad nang namamatay ang sigasig dahil nawawalan na kasi agad ng pag-asa.
Ang kaibahan ng tao sa hayop at halaman ay ang damdamin. Ang iba pa nga r’yan, sobra kung magdamdam o napaka-emosyunal, at ito ang nagiging hadlang upang hindi niya matamasa ang biyaya ng panibagong pamumulaklak at pagpapala mula sa langit.
Kaya kapag nawawalan ka ng anumang bagay, hindi ka dapat malungkot at magmukmok hanggang sa ma-depress at sa bandang huli ay magkasakit at ito pa ang ikamatay kapag minamalas-malas ka.
Kaya tama ang ginagawa mo ngayon, Gemini, lumaban ka at muling magsikap. Kahit medyo may edad ka na, muli kang mag-apply sa abroad. Bumuo kang muli ng bagong pangarap, sapagkat ayon sa iyong Travel Calendar, tiyak ang magaganap ngayong 2021, sa edad mong 37 pataas. Ito ay nagsasabing muli kang makapag-a-abroad at sa ibayong-dagat, muli kang makakaipon ng sapat na salapi na magagamit sa pagpapagawa ng inyong bahay at may kaunti pang sosobra sa naipon mo upang tuluyan mo na ring masimulan ang binabalak n’yong negosyong grocery hanggang sa tuloy-tuloy na muling umunlad, lumago ang kabuhayan at tuluyan na uling lumigaya ang inyong pamilya.



Comments