Evacuation centers sa bawat bayan, panahon na!
@Editorial | November 14, 2022
Natural na tinatamaan ng bagyo ang Pilipinas, kung saan marami sa ating mga kababayan ang sanay na sa pagsuong sa baha at kalauna’y paglikas, mapanatili lamang na ligtas ang sarili at ang pamilya.
Sa tuwing may bagyo, binabantayan ang pagtaas ng tubig o baha, kasabay nito’y paglikas upang masigurado ang kaligtasan. Pero ang problema, hindi lahat ng bayan ay mabilis na nakalilikas dahil nakadepende ito sa lugar na kanilang tutuluyan o sa evacuation center.
Masuwerte ang iba na sa kalapit o kabilang kanto lang ito, pero paano naman ang mga kailangan pang dumayo may mapuntahan lamang?
Kaya’t mabuting balita na sinimulan ang pagtalakay sa ilang panukalang batas na layong magtayo ng evacuation centers sa bawat bayan at lungsod sa buong bansa sa panahon ng kalamidad.
Sa naganap na deliberasyon ay binigyang-diin na dapat matigil ang nakasanayan kung saan ginagawang default evacuation centers ang mga paaralan.
Panahon na para maglagay ng evacuation center sa bawat bayan nang sa gayun ay hindi pahirapan ang paglikas. Kapag kailangan ay nariyan agad at siguradong may ligtas na pupuntahan.
Hindi na bago ang bagyo, kaya upang maiwasan ang mga pagkakataong may buhay na nalalagay sa kapahamakan—tiyaking mabilis ang tulong at sapat ang kahandaan.



Comments