Evacuation center kada probinsiya, lungsod at munisipalidad
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 6, 2022
Kahit patapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, walang tigil pa rin ang serbisyong inihahandog ng buong administrasyon tungo sa pagbibigay ng mas komportableng buhay para sa mga Pilipino.
Nitong Abril 5, 2022 ay sinamahan ko si Pangulong Duterte sa inagurasyon ng Binondo-Intramuros Bridge. Isa lamang ito sa napakaraming ‘Build Build Build’ projects ng Duterte administration. Inaasahan na mas magiging mabilis, ligtas at maginhawa ang biyahe ng mahigit 30,000 motorista kada araw, at mapapagaan ang daloy ng trapiko sa Metro Manila. Mayroon din itong lane para sa bisikleta at pedestrians.
Mahalagang maipagpatuloy ang mga proyektong ito dahil magpapagaan ito sa buhay ng mga kababayan nating Pilipino at makatutulong din sa ating pandemic recovery efforts. Habang bumabangon ang ating ekonomiya, walang tigil din ang serbisyo-publiko upang maalalayan ang ating mga kababayang may hinaharap na iba’t ibang pagsubok.
Noong Abril 4 naman ay bumisita kami ng Pangulo sa Mataas Na Kahoy, Batangas para inspeksyunin ang Multipurpose Evacuation Center na pansamantalang tinutuluyan ng mga residenteng naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal noong Enero 2020 at ang patuloy na pag-aalburoto nito ngayon.
Ang 1,451-square-meter evacuation center na ito ay pinondohan sa ilalim ng programa ng Department of Human Settlements and Urban Development, at kayang mag-accommodate ng 150 na pamilya, o 600 na indibidwal. Itinayo ang proyektong ito sa direktiba ni Pangulong Duterte na tiyaking matibay, ligtas, komportable at handang tumanggap ng mga residenteng naapektuhan ng kalamidad sa lahat ng oras.
At isa lang po ito sa tatlong evacuation centers na itinayo malayo sa danger zone ng Taal Volcano. Ang dalawa pa ay matatagpuan sa mga bayan ng Santa Teresita at Alitagtag.
Binisita rin namin ang mga pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng Taal Volcano na nanunuluyan sa Agoncillo Central School. Pinagkalooban sila ng tulong ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at tiniyak ng Pangulo na maibibigay ang suportang kailangan ng komunidad.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na kumpiyansa siya na ang mga bagong evacuation centers ay magiging “great service” sa lahat ng apektadong Pilipino bago pa man dumating ang panibagong kalamidad.
Natutuwa ako na sa ilalim ng administrasyong Duterte ay nakapagtayo ng mga imprastrakturang matitibay at mapapakinabangan maging ng mga susunod nating henerasyon.
Kasama ito sa long-term solutions na ibinahagi ng administrasyong Duterte para sa ating mga kababayan. Lagi nga naming sinasabi — kapag inuna ang kapakanan ng ating mga kababayan, hindi tayo magkakamali. Mas marami tayong magagawang tama kung magkakaisa tayo at isasantabi ang pulitika.
Bilang isang senador, maaasahan n’yo na hindi namin pababayaan ang mga kababayan nating tinamaan ng krisis at sakuna tulad ng mga kapwa ko Batangueño na apektado sa nangyayari sa Taal.
Bukod sa pagdalaw namin sa mga nawalan ng tahanan sa Batangas, determinado ako na isulong ang mga panukalang batas para mapalakas ang ating disaster response, dahil napakaraming lugar sa ating bansa ang madalas naaapektuhan ng kalamidad.
Kabilang sa mga panukalang batas na ito ang Senate Bill 1228, na isinumite ko noong 2019. Layunin nito na magtayo ng evacuation center sa bawat probinsiya, lungsod at munisipalidad.
Nariyan din ang Senate Bill 1227, na layuning pagkalooban ng rental subsidy ang mga Pilipinong nawalan ng tirahan para mayroon silang disenteng matitirahan at gastusin habang hindi pa naitatayong muli ang kanilang bahay o inihahanap pa sila ng relokasyon.
Isa pa sa aking panukalang batas ang Senate Bill 205. Layunin nitong mapabilis ang mga mekanismo sa paghahanda kapag may kalamidad at iba pang emergency sa pamamagitan ng paglikha sa Department of Disaster Resilience. Kapag naitatag ang DDR, ito ang magbibigay ng mas malinaw na direktiba sa iba pang sangay ng pamahalaan kung paano tutugunan ang sitwasyon.
Samantala, bilang Chair ng Senate Committee on Health, bagama’t maganda ang nagiging resulta ng ating pagtugon sa pandemya at nananatiling mababa ang naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19, umaapela ako sa ating mga kababayan na huwag pa rin tayong maging kumpiyansa. Kung kuwalipikado na po kayo sa bakuna, magpabakuna na kayo dahil ito ang tanging susi at solusyon para tuluyan na tayong makabangon. Ipagpatuloy din natin ang bayanihan, at laging sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols.
Ang apela ko naman sa mga kumakandidato at nangangampanya sa panahon ng eleksyon, unahin n’yo po ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga mamamayan kaysa ang pulitika. Delikado pa rin hanggang hindi pa natin nalalampasan ang pandemya
Alalahanin natin, kung magiging disiplinado tayo at tuluyang bababa ang mga kaso ng COVID-19, mas makababalik tayo sa ating normal na pamumuhay.
Tinitiyak ko rin sa inyo na gagawin naming lahat ni Pangulong Duterte ang aming makakaya para kayo matulungan — lalung-lalo na ang mga mahihirap at walang matakbuhan. Maaasahan n’yo ang aking presensiya sa mga komunidad na kung saan ang tulong at suporta ng aking tanggapan ay higit na kinakailangan. Bilang inyong lingkod, pupuntahan ko kayo kahit saan mang sulok ng bansa hanggang kaya ng aking oras at katawan upang magbigay ng solusyon sa inyong mga problema, pakinggan ang inyong mga hinaing, at mag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati.
Hindi ako titigil sa pagseserbisyo sa inyo na taglay ang tapang at malasakit na natutunan ko kay Tatay Digong. Ipinangako ko po iyan sa inyo, at patuloy kong tutuparin hanggang sa aking makakaya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments