Enrile, imbes panagutin sa kasong Plunder, ginawa pang opisyal ng pamahalaan
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 20, 2022
WALA YATANG NAKAPAGSABI KAY P-BBM NA MAY KASONG PLUNDER SI ENRILE--Itinalaga ni Pres-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. si dating Sen. Juan Ponce Enrile bilang Presidential Legal Counsel.
Aba, teka, wala yatang nakapagsabi kay P-BBM na hindi pa tapos ang kasong plunder ni Enrile sa Sandiganbayan tungkol sa kinasasangkutan nitong P172 million pork barrel scam.
Ibang klase talaga 'tong si Mang Johnny, imbes na pananagutin sa kaso, nagawa pa niyang maging opisyal ng gobyerno, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
NAPC, IMBES NA TUTUKAN ANG KAHIRAPAN AT KAGUTUMAN, CONSULTANTS ANG BINUBUSOG--Ang taunang budget ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) para sa consultant ay P300-K lang, pero sa natuklasan ng Commission on Audit (COA), umabot sa mahigit P8.2 milyon ang ginasta ng ahensya sa loob ng isang taon na ipinambayad sa mga kinuha nilang consultants.
Dapat yata buwagin na lang ang NAPC kasi ang mandato nito ay labanan ang kahirapan upang hindi magutom ang mahihirap na Pilipino, tapos ang binubusog naman pala nila'y mga consultants, pwe!
◘◘◘
KUNG ISA O DALAWA LANG ANG NAWALANG GAMIT SA PIA PUWEDENG NA-MISPLACE LANG, KAYA LANG WORTH P206-M ANG NAWALA–Dumepensa si Presidential Communication Operations Office (PCOO) Usec. Kris Ablan tungkol sa natuklasan ng COA na pagkawala ng mga kagamitan sa Philippine Information Agency (PIA).
Aniya, hindi ninakaw ang mga nawawalang gamit sa PIA kundi missing lang.
Kung isa o dalawang gamit lang ang nawala, puwedeng missing o na-misplace, pero sangkaterbang gamit ang nawala kabilang ang mga laptop, computer, cellphone at iba pang electronics gadgets na worth P206 million.
Sa dami ng mga ito, imposibleng na-misplace lang 'yan. Mas malamang ay nadekwat na ang mga 'yan, period!
◘◘◘
BAGO SUMAPIT JUNE 30, 2022, DAPAT MAKITA NA ANG MGA GAMIT SA PIA KASI KUNG HINDI BAKA ISIPIN NG PUBLIKO, 'TIRADOR' ANG MGA OPISYAL NI P-DUTERTE--Hindi joke sa dami ang kagamitang nawala sa PIA kasi worth P206-M 'yan.
Kaya't dapat bago sumapit ang June 30, 2022 o pagbaba sa puwesto ng mga appointee ni P-Duterte sa PIA ay makita na ang mga nawawalang kagamitan sa PIA.
Kasi kung hindi na makikita ang mga ito, malamang isipin ng publiko na ang mga itinalaga ni P-Duterte sa PIA ay mga "tirador" ng kagamitan ng pamahalaan, boom!





Comments