Engkwentro ng mga estudyante sa paaralan sa Makati, iimbestigahan ng DepEd – VP Sara
- BULGAR
- Dec 7, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | December 7, 2022

Inatasan ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ngayong Miyerkules ang legal division ng ahensiya para alamin ang naganap na insidente ng away o suntukan sa pagitan ng dalawang estudyante mula sa Colegio San Agustin (CSA) Makati.
“With regard doon sa school we will refer it to the legal strand of the Department of Education to look into kung ano ang puwedeng discussion with the Colegio San Agustin,” pahayag ni VP Sara sa isang ambush interview ng mga reporters sa general rehearsal ng Italian production ng “Turandot” sa Cultural Center of the Philippines (CPP) sa Pasay City.
Inaasahan na rin ni VP Sara na ang paaralan ay magsasagawa ng kanilang sariling imbestigasyon tungkol sa insidente.
“We leave to the school authorities ng CSA na makapag-conduct ng investigation and mag-pursue ng charges if not at all necessary based on their investigation,” sabi pa ng DepEd chief.
Ipinahayag naman ng pamunuan ng CSA sa ABS-CBN News na hindi nila pinahihintulutan ang anumang karahasan at pambu-bully sa kanilang paaralan.

Ayon kay Atty. Joseph Noel Estrada, spokesperson ng eskwelahan, iniimbestigahan na nila ang nangyari habang pinag-uusapan na rin nila ang mga panuntunan o measures na dapat isagawa para maiwasan ang parehong kaso na muling mangyari.
Nitong Lunes, Disyembre 5, nagkaengkwentro at nagsuntukan ang mga estudyante sa loob ng comfort rooms ng paaralan, kung saan ang video nito ay nag-viral.
Sa ngayon, nasa 10 estudyante ng CSA Makati ang pinatawan ng preventive suspension habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Sinabi naman ni Estrada, na hindi pa umano ito ang mismong sanction o parusa sa mga estudyante na sangkot sa karahasan.
Aniya pa, preventive measure lamang ito upang mapigilan ang paglala ng sitwasyon at maprotektahan ang mga menor-de-edad, habang obligado rin sila at kanilang mga magulang na makipagtulungan sa imbestigasyon.
“Dalawa iyong nagsuntukan based on the video that was circulating. Dalawa sila [who got] into a fistfight, but apparently hindi lang sila iyong involved doon, as there were other students who were also in the CR, who were watching or taking videos,” sabi ni Estrada.
“We’re treating everyone as students and, of course, they’ll be given due process.
Mayroon naman tayong student handbook that will deal with these matters,” dagdag pa ni Estrada.a




Comments