Enderun, lalaban pa sa Game 3 ng NAASCU Finals
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 24, 2022

Buhay pa ang Enderun Colleges at magkakaroon ng Game 3 para sa 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Seniors Basketball championship matapos gulatin ng Titans ang defending champion Saint Clare College of Caloocan, 67-60 at itabla ang seryeng best-of-three noong Miyerkules sa Novadeci Convention Center sa Novaliches. Ang Game 3 ay gaganapin ngayong Biyernes simula 2 p.m. sa parehong palaruan.
Bumanat ng todo si guwardiya Sherfrazkhan Abdulla sa second half kung saan ipinasok niya ang 14 ng kanyang kabuuang 17 puntos at mapiling Best Player. Namayani din si Pierre Marie Kouakou sa 15 puntos at 20 rebound habang bumawi si Joaquin Mariano mula sa 4 na puntos lang noong 51-53 talo nila sa Game 1 at gumawa ng 13 puntos.
Huling hinawakan ng Saint Clare ang lamang sa 3rd quarter, 39-37, at bumomba ng magkasunod na three-points si Abdulla upang ibalik ang lamang sa Enderun at hindi na nila binitiwan ito, 43-39. Nagbanta ang Saints subalit binuksan ng Titans ang 4th quarter sa pagbuhos ng unang 11 puntos sa likod nina Mariano at Abdulla at tinuldukan ng tres ni Francisco Tancioco para sa 58-45 na lamang.
Nakalapit sa anim ang Saints sa huling 34 segundo, 60-66, subalit nanaig ang depensa ang Enderun. Nararapat lang na ipasok ni Abdulla ang paniguradong free throw na may 5 segundo pa sa orasan.
Nanguna sa Saint Clare si Bam Lopez na may 13 puntos bilang reserba. Ang Best Player noong Game 1 na si Johnsherick Estrada ay nagdagdag ng 10 puntos.
Ito ang unang talo sa torneo ng Saints matapos walisin ang unang walong laro kung saan dalawang beses nila tinalo ang Titans noong elimination at noong Game 1. Sisikapin ngayon ng Titans na makamit ang unang kampeonato sa NAASCU buhat noong sumali sila sa liga noong 2016.
Laro ngayong Biyernes – Novadeci Convention Center:
2:00 PM Saint Clare vs. Enderun.





Comments