top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Enderun at TUP, umaakyat ang standings sa NAASCU

BULGAR
Jun 5, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 5, 2022



Patuloy ang pag-akyat ng Enderun Colleges sa 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Seniors Basketball Tournament matapos ang 56-50 tagumpay sa Our Lady of Fatima University noong Biyernes sa Novadeci Convention Center sa Novaliches.


Naitala rin ng Technological University of the Philippines ang mahalagang unang panalo sa Manuel L. Quezon University, 66-51, at wagi ang AMA University sa Philippine Christian University, 84-76.

Nangyari ang inaasahang gitgitang laban ng dalawang walang talong koponan hanggang bumanat ng magkasunod na 3-points sina Robert Castro at Francisco Tancioco sa pagbukas ng third quarter para sa pinakamalaking lamang ng Enderun, 30-17.

Inalagaan ito ng mabuti ng Titans subalit saglit nagbanta ang Phoenix at lumapit, 50-55, pero kinapos sila sa oras at isinara ni Castro ang laban sa kanyang free throw na may 18 segundong nalalabi.

Nanguna sa Titans si Joaquin Mariano na may 14 puntos para sa ikatlong sunod na panalo at pumantay sa nagpapahingang defending champion Saint Clare College of Caloocan. SInuportahan siya nina Pierre Marie Kouakou na may 12 puntos at 21 rebound at Castro na may 12 puntos din.

Inayos ng TUP ang depensa upang wakasan ang kanilang tatlong sunod-sunod na talo at mabuhay ang pag-asa sa quarterfinals. Gumawa ng 24 puntos si Geramel Abejuela na pinakamataas na marka sa buong torneo at tinulungan nina David Magbanua na may 13 puntos at Carl Bringas na may 12 puntos at 12 rebound.

Ipinasok ni Abejuela at Magbanua ang huling 7 puntos ng first half upang lumamang, 32-27, at hindi na nila binitawan ito.

Babalik sa aksyon ang Saint Clare ngayong Lunes laban sa Fatima sa aabangang laro sa 6:30 ng gabi sa Novadeci muli. Magsusubukan ang Enderun at AMA sa unang laro ng 5 p.m. habang parehong maghahanap ng unang panalo ang MLQU at PCU ng 8 p.m.


Mga laro ngayong Lunes (Hunyo 6) – Novadeci Convention Center


5:00 PM Enderun vs. AMA.

6:30 PM Saint Clare vs. Fatima

8:00 PM MLQU vs. PC.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page