Emergency loan ng GSIS sa mga biktima ng lindol
ni Fely Ng - @Bulgarific | July 30, 2022

Hello, Bulgarians! Ipinahayag ni Government Service Insurance System (GSIS) President at General Manager Wick Veloso na mag-aalok ang GSIS ng emergency loan para tulungan ang mga miyembro at pensiyunado ng GSIS na naninirahan o nagtatrabaho sa mga lugar na naapektuhan ng 7.3-magnitude na lindol na tumama sa hilagang bahagi ng bansa.
“Titiyakin natin na ang ating mga miyembro at pensiyunado ay makatatanggap ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng ating emergency loan upang maitawid sila sa panahon ng kagipitan. Nakikipag-ugnayan din kami sa lahat ng pampublikong opisina ng gobyerno na naapektuhan ng lindol na ipaalam agad sa amin kung may mga nasirang ari-arian ng gobyerno na maaaring mag-claim ng insurance mula sa GSIS,” paliwanag ni Veloso pagkatapos iutos ni President Ferdinand Marcos, Jr. ang agarang pagpapadala ng rescue at relief teams sa mga apektadong lugar.
Binanggit ng pension fund chief na may inilaang P5.4 bilyon ang GSIS para sa emergency loan program ngayong taon. Ang mga GSIS member na may kasalukuyang emergency loan balance pa ay maaring makahiram ng hanggang Php40,000 upang mabayaran ang kanilang natitirang emergency loan balance at makatanggap pa rin ng netong Php20,000. Ang mga walang existing emergency loan ay maaaring mag-apply ng Php20,000. Ang mga pensyunado rin ay makauutang ng Php20,000.
Maaaring mag-apply sa loan ang mga active member na naninirahan o nagtatrabaho sa mga lugar na apektado sa Hilagang Luzon matapos maideklara ang mga ito sa ilalim ng state of calamity. Ang mga pensioner na naninirahan sa mga nasabing lugar ay maaari ding mag-apply.
Ang GSIS emergency loan ay maaaring bayaran sa 36 equal monthly instalments na may 6% interest rate. Saklaw din ito ng loan redemption insurance, kung saan ituturing na fully paid ang loan sa sandaling pumanaw ang borrower sa kondisyon na updated ang bayad sa utang.
Maaaring mag-apply sa emergency loan ang mga miyembro na nasa active service at hindi naka-leave of absence without pay; mayroong paid premiums na hindi bababa sa tatlong buwan sa loob ng huling anim na buwan; walang nakabinbing kasong administratibo o kriminal; at may net take-home pay na hindi bababa sa Php5,000 pagkatapos maibawas ang lahat ng kinakailangang buwanang obligasyon.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



Comments