Embiid ng 76ers, tinambakan ang Rockets, Simons bumida rin
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 12, 2022

Nagpakita muli ng husay si Anfernee Simons ng Portland Trail Blazers at namuno sa 114-108 panalo sa bisitang Brooklyn Nets sa NBA kahapon sa Moda Center. Ang 2021 Slam Dunk champion ay patuloy na bumubuhat sa koponan habang hinihintay bumalik galing sa pilay ang mga bituin na sina Damian Lillard at CJ McCollum.
Umarangkada ang Portland sa fourth quarter at itinayo ang kanilang pinakamalaking lamang, 110-101, sa three-points ni Ben McLemore na may 1:36 nalalabi. Lumapit ng bahagya ang Nets, 105-110, subalit humirit ng isa pang tres si McLemore para matiyak ang panalo.
Nagtapos si Simons na may 23 puntos at 11 assist habang pinasok ni McLemore ang pito sa kanyang 20 puntos sa last two minutes. Nanguna sa Nets si Kevin Durant na may 28 puntos at 10 rebound at ito ang unang talo ng Brooklyn kung saan naglaro si Kyrie Irving na nagdagdag ng 22 puntos.
Bumida si LaMelo Ball at naging susi sa 103-99 tagumpay ng Charlotte Hornets sa World Champion Milwaukee Bucks. Ipinasok ni Ball ng malapitan ang bola na may 15 segundo sa orasan at ibalik ang lamang sa Hornets, 101-99, at matapos ang timeout ay tinapon ni Giannis Antetokounmpo ang bola.
Nag-timeout din ang Charlotte at napilitan bigyan ng foul ni Bobby Portis si Miles Bridges na pinasok ang dawalang free throw para isigurado ang ika-22 nilang panalo sa 41 laro. Naguna sa Hornets si Terry Rozier na may 27 puntos at sinundan ni Ball na may 23 puntos.
Nagsama para sa siyam na puntos ang mga All-Star na sina Jayson Tatum at Jaylen Brown sa overtime upang manalo ang Boston Celtics sa bisitang Indiana Pacers, 101-98.
Nagtapos si Brown na may 26 points at 15 rebounds habang 24 puntos at 12 rebound si Tatum sa gitna ng mga usapin na may planong buwagin ng pamunuan ng Celtics ang malupit na tambalan bago ang huling araw sa pagpalit ng manlalaro sa Pebrero 10.
Pinahiya ng kulelat na Detroit Pistons ang Utah Jazz, 126-116, sa likod ng mahusay na laro ni rookie Cade Cunningham. Pumukol ng limang tres para sa 29 puntos si Cunningham upang unti-unting patunayan bakit siya ang pinakaunang pinili sa huling Rookie Draft subalit naantala ang simula ng kanyang karera dahil napilay bago magbukas ang liga.
Tinambakan ng Philadelphia 76ers ang Houston Rockets, 111-91, at walang nakapigil kay Joel Embiid na nagsabog ng 31 puntos sa 26 minuto lang. Sinikap buhayin ang Rockets nina Fil-Am rookie Jalen Green at Christian Wood na parehong nag-ambag ng 14 puntos.
Kumuha ng lakas ng New York Knicks sa 31 puntos ni RJ Barrett upang was akin ang San Antonio Spurs, 111-96. Tabla pa rin ang Celtics at Knicks sa 20-21 para sa ika-walo at ika-siyam pwesto sa Eastern Conference subalit lamang ang Boston sa bisa ng mas maraming puntos sa kanilang serye ngayong taon na nagtapos sa tig-dalawang panalo ang bawat koponan.





Comments