Embiid, nanalasa sa 43 puntos, Spurs, ginulat ang Lakers
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 9, 2022

Malinis pa rin ang kartada ng Philadelphia 76ers sa limang laro na nariyan si James Harden at nagwagi sila kontra sa bisitang Chicago Bulls, 121-106, sa mahalagang laro sa NBA Eastern Conference kahapon sa Wells Fargo Center. Patuloy ang paghabol ng 76ers sa nangungunang Miami Heat na tinalo sila noong isang araw, 99-82.
Bumalik sa aksyon at nagpasikat agad si Harden sa 16 puntos, karamihan ito mula kay Joel Embiid at Tyrese Maxey kaya nagtala ang mga kakampi ng 43 at 17 puntos at umakyat sa 40-24 panalo-talo. Ito ang ika-5 sunod na talo ng Bulls upang lumagpak sa 39-26 at 4th place, malayo sa koponan na minsang hinawakan ang liderato ng East noong Pebrero.
Tinulungan ng Heat ang sarili at nasungkit ang inaasahang panalo sa kulelat sa buong NBA na Houston Rockets, 123-106, at panatilihin ang tatlong larong lamang sa 76ers. Pumukol ang reserbang si Tyler Herro ng anim na 3-points para sa 31 puntos at sinundan ni Jimmy Butler na may 21 puntos at kartadang 44-22.
Sa umiinit din na karera sa Western Conference at tinalo ng Denver Nuggets ang kulang na Golden State Warriors, 131-124, sa likod ng ikalawang sunod na triple double ni MVP Nikola Jokic na 32 puntos, 15 rebound at 13 assist. Dahil dito, bumalik sa ikalawang puwesto ang Memphis Grizzlies (44-22) at bumaba sa pangatlo ang Warriors (43-22) na sabay-sabay hindi naglaro sina Stephen Curry, Klay Thompson, Andrew Wiggins at Draymond Green.
Binuhay ng San Antonio Spurs ang kanilang pag-asa na makapasok sa playoffs sa susunod na buwan at binigo ang Los Angeles Lakers, 117-110 at wakasan ang kanilang apat na sunod na talo.





Comments