Search
  • BULGAR

Embiid, Irving, Beal at Randle, pumapel

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 27, 2021





Patuloy ang pamamayagpag ng Philadelphia 76ers sa tuktok ng 2020-2021 NBA Eastern Conference matapos tambakan ang bisitang Dallas Mavericks, 111-97, kahapon sa Wells Fargo Center. Sa kasabay na laro, nanatili ang Brooklyn Nets sa pangalawang puwesto sa East bunga ng kanilang 129-92 tagumpay sa bisitang Orlando Magic.


Sa first quarter lang nakasabay ang Mavs (15-16) sa 76ers (22-11) at tuluyang humataw ito at umabot pa sa 26 ang lamang sa 4th quarter, 102-76. Nanguna para sa 76ers si All-Star Joel Embiid na may 23 puntos at sinuportahan nina Ben Simmons at Seth Curry na parehong may 15 puntos.


Kumilos ang Nets (22-12) sa 2nd quarter at hindi sila tumigil sa pagpukpok at hanggang lumamang ng 40 papasok sa huling minuto, 129-89. Gumawa ng 27 puntos si Kyrie Irving at sinundan ni James Harden na may 20 at patuloy pa rin ang pagliban ni Kevin Durant dahil sa masakit na hita.


Sa higpit ng standings sa East ay umakyat ng apat na baytang ang New York Knicks sa ika-anim mula ika-10 matapos madaling magwagi sa Sacramento Kings, 140-121. Nanguna sa Knicks (16-17) si rookie Immanuel Quickley na may 25 puntos at Alec Burks na may 24 habang double-double si All-Star Julius Randle na 21 puntos.

Nagtrabaho ang Milwaukee Bucks para mauwi ang panalo sa New Orleans Pelicans, 129-125. Double-double si MVP Giannis Antetokounmpo na 38 puntos at 10 rebound at 31 puntos si Khris Middleton para sa kartadang 20-13 at pangatlo sa East.


Sa Western Conference, ginulat ng Memphis Grizzlies ang pumapangalawang Los Angeles Clippers, 122-94. Gumawa ng hindi inaasahang 20 puntos si guwardiya Tyus Jones at sinundan siya ni Dillon Brooks na may 19.


Ginulat din ng Washington Wizards, 112-110, salamat sa matinding depensa sa huling 2 minuto. Bumida si All-Star Bradley Beal sa kanyang 33 puntos at sinundan ni Rui Hachimura na may 20 at triple double si Russell Westbrook na 16 puntos.


Samantala, patuloy ang mga suliranin ng kulelat na Minnesota Timberwolves (7-26) at pinatawan ng NBA ng 12 larong suspensiyon ang kanilang numero unong scorer na si Malik Beasley matapos maghain ng “guilty” sa hinaharap na kasong panunutok ng baril noong Oktubre. Nakitaan din ng pulis na may hawak siyang dalawang librang marijuana at tinatayang sa Marso 27 ang pinakamaagang pagbalik sa aksyon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.