Electric at hybrid vehicle, oks na solusyon sa trapik at polusyon
- BULGAR

- Jun 12
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 12, 2025

Habang pabigat nang pabigat ang trapiko sa Metro Manila, ang pagbibigay ng coding exemption sa mga electric at hybrid vehicles ay tila isang paraang nakaayon hindi lamang sa layuning pangkalikasan kundi sa isang mas matalinong pagdisenyo ng urban transport policies.
Kaya patuloy ang pagbibigay-insentibo sa paggamit ng mas ‘malilinis’ na sasakyan sa Pilipinas, gaya na lamang ng exemption mula sa number coding scheme para sa mga fully electric at hybrid vehicles hanggang taong 2030.
Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 11697 o mas kilala bilang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), na layuning itaguyod ang paggamit ng de-kuryenteng sasakyan sa halip na mga gasolinang sasakyan upang makamit ang mas sustainable na sistema ng transportasyon.
Ang batas ay nagbibigay ng tinatawag na non-fiscal incentives sa mga electric at hybrid vehicles, gaya ng exemption sa Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) at iba pang katulad na traffic-reduction measures ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan.
Kasama na rito ang planong odd-even scheme sa EDSA na ipatutupad bilang bahagi ng EDSA rehabilitation project mula Hunyo 13, 2025 hanggang 2027. Ayon kay Department of Energy (DOE) Director Patrick Aquino, sakop ng exemption ang mga battery electric vehicles (BEVs), plug-in hybrids (PHEVs), at iba pang electrified vehicles na kinikilala ng DOE.
Sa ngayon, nasa mahigit 24,000 na ang rehistradong EVs sa bansa, at inaasahang tataas pa ito dahil sa benepisyong hatid ng coding exemption.
Tiniyak naman ni Edmund Araga ng Electric Vehicle Association of the Philippines na handa ang industriya na tugunan ang posibleng pagtaas ng demand.
Mainam na sa pamamagitan ng batas, nagkakaroon ng insentibo ang mga mamamayan na mag-shift sa environment-friendly na mga sasakyan. Subalit ang hamon ngayon ay kung paano ito magiging inklusibo. Dahil mataas pa rin ang halaga ng EVs, nananatiling abot-kamay lamang ito ng mga may kaya.
Kailangan siguro ng mga hakbang mula sa gobyerno upang gawing mas abot-kaya ang ganitong uri ng sasakyan — gaya ng tax cuts, subsidized loans, o mass importation para sa mas mababang suggested retail price (SRP).
Marahil, kung tunay ang layunin ng batas para sa pangmatagalang solusyon sa polusyon at trapiko, dapat itong sabayan ng mas malawak na pagpaplano — gaya ng paglalagay ng EV charging stations sa mga rehiyon, modernisasyon ng public transport, at malawakang edukasyon hinggil sa benepisyo ng EVs.
Hindi pa rin sapat ang pag-exempt sa coding kung ang mas nakararami ay hindi naman makakaangkas sa oportunidad na dala nito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments