El Niño Alert
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | April 23, 2026

Photo: File
Naglabas ng El Niño Alert ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaugnay sa posibilidad na mga dry spell at tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa sa mga susunod na buwan.
Sa pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng PAGASA na bagama’t nananatiling nasa neutral na kondisyon ang El Niño-Southern Oscillation (ENSO) sa tropical Pacific, may 79 porsyentong tsansa na mabuo ang El Niño sa panahon ng Hunyo-Hulyo-Agosto 2026 at maaaring tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.
Ipinaliwanag ng ahensya na naglalabas ito ng El Niño Alert kapag ang posibilidad ng pagbuo ng naturang phenomenon ay umaabot sa 70 porsyento o higit pa sa loob ng susunod na dalawa hanggang tatlong buwan.
Ayon pa sa PAGASA, sa panahon ng El Niño ay tumataas ang posibilidad ng mas tuyong kondisyon kaysa karaniwan, na maaaring magdulot ng tagtuyot at kakulangan sa tubig sa ilang lugar sa bansa.
Gayunman, sinabi rin ng ahensya na maaaring makaranas ng mas mataas sa normal na pag-ulan ang kanlurang bahagi ng bansa sa panahon ng southwest monsoon o habagat.
Sinabi ni Ana Liza Solis, weather specialist, na idineklara ng PAGASA ang pagtatapos ng La Niña noong Marso 9, na hudyat ng pagbabalik sa ENSO-neutral na kondisyon.
Noong Marso 25 naman ay naglabas ang ahensya ng El Niño Watch, na nagpapakita ng tumataas na posibilidad ng pag-usbong ng El Niño sa pagitan ng Hulyo at Setyembre 2026.
Dagdag ni Solis, maaaring magsimula ang El Niño sa mahinang antas at unti-unting lumakas mula sa mahina hanggang katamtaman at posibleng lumakas pa bagama’t hindi pa rin inaalis ang posibilidad na umabot ito sa mas matinding antas.
Samantala, ayon kay Marcelino Villafuerte, magpupulong sa mga susunod na araw ang Task Force El Niño upang paghandaan ang posibleng pagbuo ng weather phenomenon.
Aniya, dalawang senaryo ang kanilang pinaghahandaan: ang posibilidad ng malalakas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon sa panahon ng habagat habang nabubuo ang El Niño, at ang posibleng pagbawas ng pag-ulan sa huling bahagi ng taon.




Comments