Eksperto: Mga bagets, ‘wag nang isama sa mall, sa park na lang!

ni Ryan Sison - @Boses | December 5, 2020
Bagama’t hindi pa pinapayagang lumabas ang mga bata, kapansin-pansing marami nang paslit na nasa labas ng tahanan. Kadalasan, maghapong naglalaro sa lansangan, mga walang suot na facemask at walang kasamang magulang.
At kamakailan, naging usap-usapan ang pagpayag sa mga menor-de-edad na makapasok sa mall ngayong Kapaskuhan, bagay na hindi sinang-ayunan ng ilan, partikular ang Metro Manila Mayors.
Kasunod nito, inirekomenda ng ilang eksperto na mas mabuting sa parke ipasyal ang mga bata sa halip na mall. Anila, makatutulong sa mental health ng kabataan ang paglabas sa open areas tulad ng parke, gayung ilang buwang limitado ang espasyong ginagalawan ng mga ito dahil sa pandemya.
Gayunman, ayon sa isang pediatric infectious disease expert, kung hindi puwede sa mall ang mga bata, maganda kung sa park sila dadalhin, kaya ipinayo rin sa mga lokal na pamahalaan na ihanda ang kanilang mga parke nang sa gayun ay ma-enjoy ng mga bata ang paligid, imbes na sumiksik sa mga lugar na may mataas na risk ng COVID-19.
Samantala, ayon sa isang psychiatrist, ang anxiety, depresyon at sleeping problems na puwedeng maranasan ng mga bata ngayon ay maiiwasan o mababago kapag hinayaan sila sa open space.
Kung tutuusin, dapat lang naman na hindi payagan ang mga bata sa mall dahil kahit kasama ang mga magulang, dagsa naman ang mga tao, na maaaring magresulta sa mas mabilis na hawaan.
Hindi naman natin sinasabing hayaan lang maglaro ang mga bata sa labas, pero dapat, may gabay nating mga magulang.
Tulad ng payo ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC), kung hindi maiwasang isama sa labas ang mga bata, sundin ang APAT. A para sa “air circulation” dahil hinihikayat na maglaro sa garden o parke ang mga bata sa halip na manatili sa enclosed space. P para sa “physical distancing. A, “always wear mask and face shield properly”. T ay “30 minutes or less”.
Tandaan, responsibilidad nating tiyakin na ligtas mula sa banta ng anumang sakit an gating mga anak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments