top of page

Ekonomiya lalago, kung may kooperasyon at pagtutulungan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 5, 2024
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 5, 2024


Kailangan nating dumoble-kayod para lalo pang lumago ang ating ekonomiya at nasabi ko ito matapos na magpalabas ng datos ang Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal ang takbo ng ating ekonomiya sa huling quarter ng nakalipas na taon na may 5.6 porsyento lamang kumpara sa 7.1% noong 4th quarter ng taong 2022.


Sa inilabas na datos ng PSA bumagal ang tinatawag na consumer spending noong fourth quarter ng 2023 sa 5.3 porsyento at umurong pa ang paggastos ng ating pamahalaan ng 1.8 porsyento.


Ang pangunahing nagpapagalaw sa ekonomiya ng ating bansa sa expenditure side ay ang consumer spending. Sa 5.6% na nilago ng ekonomiya, 4.1% nito ay consumer spending o ang ginagastos ng mga tao at dahil sa apektado ng presyo at kita ng ating mga ginagastos sa mahal ng mga pangunahing bilihin katulad ng pagkain, kaya apektado ang ibang gastusin natin.


Ayon sa datos, natapyasan ang paglago dahil sa pag-urong ng gastos ng pamahalaan ng 1.8%.  Samantala, umurong din ang exports ng 2.6 %. Lumago man ang investments ng 11.2% noong 4th quarter ng 2023, ito ay dahil lamang sa napakaliit na in-improve nito noong parehong panahon ng 2022. Sa buong 2023, 5.4% lamang ang nilago ng investments kung kaya’t bumagal ang ating ekonomiya.


Ang pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas ay isang malawak na isyu na kailangang pagtuunan ng pansin ng iba’t ibang sektor ng lipunan kabilang na rito ang pagsulong sa investments o ang paghimok sa mga lokal at dayuhang negosyante upang mamuhunan sa ating bansa; paigtingin pa at ayusin ang sistema sa pagproseso ng mga business permits at licenses, gayundin ang agrikultura at ang isa ay sa pamamagitan ng pagtingin ng expenditure side o kung saan napupunta ang ginagastos na pera para sa ekonomiya. 


At dapat din nating pagtuunan ng pansin ang pagsusulong ng mataas na kalidad na edukasyon upang mapalakas ang kakayahan ng mga Pilipino sa kani-kanilang trabaho at tutukan ng ating gobyerno ang sektor ng edukasyon na may mataas na demand sa merkado ng trabaho.


Tutukan ang modernisasyon ng imprastraktura tulad ng paggawa ng makabagong mga kalsada, tulay at paliparan, at ang larangan ng teknolohiya at iba pang public services na lubhang makatutulong at mapapabilis ang pag-asenso ng bawat Pilipino.


Importante rin ang pagbibigay ng lubusang suporta sa agrikultura kung saan ang ating mga bayaning magsasaka ay kailangan ang mabuting produksyon at ani.


Ang ating kalusugan. Dapat din tayong magtalaga ng sapat na pondo sa healthcare system, kabilang na rito ang mga proyektong pangkalusugan na magbibigay tulong sa mga mamamayan.


Ang pagpapalakas ng Small and Medium Enterprises (SMEs) kung saan magbibigay ang gobyerno ng suporta at pondo para sa mga maliliit na negosyante at ang sistema nito ay dapat na mabilis at maayos.


Kinakailangan din nating pagtuunan ng pansin ang turismo katulad ng pagpo-promote sa ating bansa bilang magandang destinasyon na babalik-balikan.


Ang pakikipag-ugnayan natin sa iba’t ibang bansa para mapaigting ang ating kalakalan at relasyong diplomatiko, at ang pagpapalawak ng sistema hinggil sa serbisyong pinansyal lalo na sa mga underserved na sektor ay mga mahahalaga ring aspeto upang lalo pang lumago ang ating ekonomiya.


Naniniwala ako na kung tayo ay magkakaisa at walang mga partisyon at malalang dibisyon o diskusyon kundi’y kooperasyon lamang ng pamahalaan, ng pribadong sektor at mamamayan, ang ating ekonomiya ay dire-diretso ang paglago.


Anak ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page