eFIBA, face-to-face ang grand finals sa Oktubre
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 15, 2023

Bunga ng matagumpay na unang palaro, magbabalik ang eFIBA para sa Season 2 na bakbakan ng mga pambansang koponan sa NBA 2K24 ngayong Oktubre. Ang malaking kaibahan ngayon ay magkakaroon na ng harapan o face-to-face grand finals upang matukoy ang nag-iisang kampeon ng mundo.
Gaya ng dati, magbubuo ng koponan na may tig-limang manlalaro at mga reserba.
Magdaraos ng mga online na labanan sa apat na rehiyon ng FIBA na Europa, Aprika, Amerika at Asya-Oceania at mga kampeon at ang papangalawa ay tutuloy sa finals sa isang lugar na titiyakin pa ng FIBA.
Naghari ang Pilipinas sa Timog Silangang Asya sa Season One noong Enero. Dinaig ng mga Pinoy ang Indonesia (60-27) at Mongolia (73-29) sa elimination at winalis ang mga Indones sa seryeng best-of-three para sa kampeonato, 52-37 at 64-43.
Ang matagumpay na koponan ay binubuo nina Lynard Clark Banzon, Julian Thomas Mallillin, Joshua Miguel Machado, Isaiah Vincent Alindada at Jayrald Diez. Reserba si Ervill Elefante.
Ang iba pang mga nagkampeon ay ang Turkiye (Europa), Morocco (Aprika), Saudi Arabia (Gitnang Silangan), Puerto Rico (Hilagang Amerika) at Brazil (Timog Amerika). Sila na rin kasama ng mga Pinoy ang mga maagang paborito na mauwi ang karangalan ngayon.
Kabuuang 28 bansa ang nagpadala ng kinatawan sa Season One. Ihahayag ng FIBA ang opisyal na listahan ng mga kalahok ngayong oras na mabuo ito.
Dahil harapan na ang labanan sa finals, maiiwasan na ang mga suliranin ng mahina, mabagal o tuluyang pagkawala ng internet. Ito ang naranasan sa Aprika at Gitnang Silangan at may ilang laro ang natapos sa default o forfeit.





Comments