top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

EDSA Busway, pinag-aaralan nang isapribado – DOTr

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 12, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | September 12, 2022



Iniutos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na pag-aralan ang tungkol sa posibleng privatization ng EDSA Busway o EDSA Carousel.


Sa isang interview kay DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor ngayong Lunes, sinabi niyang ang pag-aaral dito ang magdedetermina ng mga pakinabang na maibibigay para sa busway system operations sa pribadong sektor.


“Nagbigay po ng direktiba ang aming kalihim na si Secretary Jimmy Bautista na agad-agad ay aralin at gumawa ng feasibility study upang ating masukat, matukoy, at malaman kung ano ba ‘yung mga magiging benepisyo kung ang operations po ng ating busway system ay isasapribado at ibibigay po sa ating private sector participants,” pahayag ni Pastor.


Sinabi rin ni Pastor na ang pagsasapribado ng EDSA Busway ay nangangailangan ng pag-aaral dahil sakop nito ang maraming components gaya ng mga bus units at infrastructures, kung saan nasa ilalim ng hurisdiksyon ng iba pang mga ahensiya.


Nang tanungin hinggil sa posibilidad ng isang fare increase, sinabi naman ni Bautista na ito ay highly-regulated at nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Gayunman aniya, kinokonsidera rin nila sa pag-aaral ang tungkol sa pamasahe dito.


Matatandaan na isinagawa ng gobyerno ang free rides sa EDSA Busway sa ilalim ng kanilang “Libreng Sakay” program, kung saan nakatakda itong magtapos sa Disyembre 31, 2022. Sa ilalim ng programa, nag-hire ang gobyerno ng mga bus para magbigay ng libreng sakay sa mga commuters.


Sa isang report, ilang mga pasahero ang nagpahayag ng kanilang pagsuporta para sa privatization nito subalit umapela na ang kasalukuyang minimum fare na lamang ang ipatupad.


Isang dispatcher naman mula sa EDSA-Monumento station ang nagpahayag ng pagkabahala na maaaring mawalan sila ng trabaho sakaling ang pribadong sektor ang humawak ng busway system. Sinabi nitong ang mga bus consortiums na unang na-booked ng gobyerno para sa EDSA Busway ay posibleng mapalitan na.


Binanggit ni Pastor na ang epekto ng posibleng pagsasapribado nito sa employment ay kabilang din sa kanilang pag-aaralan.


Aniya pa, mayroong 500 bus units na bumibiyahe sa EDSA Busway. Nitong Agosto, ayon sa DOTr tinatayang nasa 335,000 pasahero ang naa-accommodate araw-araw.


Una nang ipinanukala ng Management Association of the Philippines (MAP) na i-privatize ang EDSA Busway at commuter railway systems para maging mas maayos ang nararanasan ng mga commuter sa Metro Manila.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page