top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Edad 2, 7, 12 at 3 katao pa, patay sa sunog sa QC

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 15, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | October 15, 2022


Anim sa pamilya ang namatay matapos sumiklab ang sunog sa kanilang tirahan sa Villa Corina Subd., Barangay Pasong Tamo, Quezon City, ngayong Sabado ng madaling-araw.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng lungsod, kabilang sa mga biktima ay 79-anyos na lolo, ang mag-asawa, at kanilang mga anak na edad 12, 7, at 2.


Ang lima sa mga bangkay ay narekober ng mga awtoridad bandang alas-6:30 ng umaga, habang ang isa pang biktima ay nailabas ng kanilang tirahan alas-7:00 na ng umaga.


Sinabi ni SFO4 Rolando Valena, BFP investigator ng Quezon City, posibleng tinangka ng mga biktima na lumabas mula sa nasusunog nilang bahay base sa lugar kung saan natagpuan ang kanilang mga bangkay.


Dalawa sa mga biktima ay nakita sa ground floor, dalawa sa hagdanan, ang 30-anyos na nanay at 2-anyos niyang anak, habang dalawa pang menor-de-edad sa ikalawang palapag.


“’Yung bunso dala ng nanay sa hagdan... ‘yung dalawa sa may second floor at ‘yung dalawa ay nasa ground floor... talagang gusto nilang bumaba subalit siyempre, ‘yung apoy eh, naharangan na nila,” pahayag ni Valena.


Gayundin aniya, maaaring na-suffocate umano ang mga biktima at nawalan na ng malay bago sila nabagsakan ng mga debris mula sa nasusunog na bahay.


Sa report ng BFP, nagsimula ang sunog ng alas-1:54 ng hatinggabi sa bahay ng mga biktima sa Villa Corina Subdivision.


Itinaas naman ng BFP ang sunog sa unang alarma, habang naapula nila ang apoy alas-3:20 ng madaling-araw.


Batay naman sa mga kapitbahay, sinubukan pa nilang iligtas ang mga biktima na pinaniniwalaang natutulog na ang mga ito nang sumiklab ang sunog. Subalit, nahirapan silang makapasok sa loob ng bahay ng mga biktima dahil nakakandado ang pinto nito.


Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa naging dahilan at pinagmulan ng apoy.


Ayon pa sa BFP, aabot umano sa P1.5 milyong halaga ang pinsala ng nasabing sunog.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page