top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Edad 12-21, tinatamaan ng heat-related illness

Writer: BULGAR
BULGAR
May 5, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 5, 2024



Boses - Ryan Sison


Umabot na sa 77 ang bilang ng mga nai-report na kaso ng heat-related illness sa ating bansa, kabilang na rito ang mga maaaring namatay dahil sa mainit na panahon.


Batay sa monitoring mula January 1 hanggang April 29, lumabas sa datos ng Department of Health (DOH) Event-based Surveillance and Response System, na 87 porsyento o 67 sa mga kasong ito ay nasa edad 12 hanggang 21-anyos.


Sa 77 kabuuang kaso, pito ang “reported deaths”, bagaman ang mga ito ay “non-conclusive for heat stroke” dahil sa hindi sapat na data.


Ang mga pagkamatay na ito, ayon sa DOH ay posibleng mga heat-related illness, kabilang na rito ang heat stroke o heat-influenced, tulad ng pinagbabatayang high risk sa atake sa puso, namuong mainit na kapaligiran na humantong sa mataas na blood pressure.


Sa naunang advisory, sinabi ng kagawaran na 34 cases ng heat-related illness ang nai-record mula January 1 hanggang April 18. Ang mga naturang kaso ay mula sa Central Visayas, Ilocos Region, at Soccsksargen.


Anim na nasawi ang naitala noong panahong iyon, subalit ang mga sanhi ng kanilang kamatayan ay bineberipika pa rin.


Sinabi rin ng DOH na nitong mga nakaraang taon, ang pinakamaraming kaso ng heat-related illness ay noong 2023, na may 513 cases.


Pinayuhan naman ng kagawaran ang publiko na para maiwasan ang mga heat-related illness, ay limitahan ang oras na ginugugol sa labas, uminom ng maraming tubig, at iwasan ang mga tsaa, kape, soda, at alak.


Gayundin, gumamit ng mga payong, sombrero, at mga damit na may manggas habang iiskedyul ang kanilang mabibigat na mga gawain sa simula o pagtatapos ng araw kapag mas malamig na ang panahon.


Samantala, ayon sa state weather bureau na PAGASA, ang heat index ay maaaring umabot sa dangerous levels sa 30 lugar sa bansa.


Sa kanilang forecast na inisyu noong Biyernes, posibleng makaranas ng heat index sa pagitan ng 42°C at 47°C ang mga naitalang lugar.


Nakakabahala na tumaas pa ang bilang ng kaso ng mga sakit na naiuugnay sa init ng panahon habang may naitala ring namatay dahil dito.


May lumabas pa sa social media mula sa ina ng baby o months old pa lamang na nasawi ito dahil sa heat stroke.


Matindi kasi talaga ang epekto ng init ng panahon sa katawan ng tao na kapag hindi naagapan ay maaaring niyang ikamatay.


Marahil, nasa mga kamay natin nakasalalay ang ating kaligtasan at proteksyon laban sa ganitong uri ng sakit. Gawin na lang natin ang lahat ng ating makakaya para maiwasan na tamaan tayo at pamilya ng anumang heat-related illness habang patuloy tayong sumusunod sa payo ng mga health expert. 


Isipin din natin na kung nagawa nating maka-survive sa COVID-19 pandemic ay magagawa rin nating makaalpas sa naturang phenomenon.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page