Eco-Oil-DLSU kontra Marinero sa D-League Aspirants Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 19, 2022

Walang nakapigil sa martsa ng EcoOil-De La Salle papasok sa finals ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup at tinambakan ang Adalem Construction-St. Clare, 97-74, sa do-or-die Game 3 Miyerkules sa Araneta Coliseum. Haharapin nila para sa kampeonato ang Marinerong Pilipino na linusutan ang numero unong Apex Fuel-San Sebastian, 69-64.
Determinado ang St. Clare matapos itabla ang serye sa Game 2 noong Lunes, 72-64.
Lamang ang Saints maaga sa 2nd quarter, 29-27, subalit kumilos na ang Green Archers at bumitaw ng walong sunod-sunod na puntos na hudyat ng kanilang tuluyang paglayo, 35-29.
Hindi nakabangon ang Saints mula roon at umabot ng 27 ang lamang ng EcoOil sa third quarter, 75-48, matapos ang magkasunod na three-points nina Anfernee Estacio at Kevin Quiambao. Hindi basta sumuko ang Adalem Construction at sinubukang humabol sa likod ni John Edcel Rojas subalit masyadong malaki ang agwat at hindi sumapat ang oras.
First quarter pa lang ay bumomba ng 13 puntos si Cyrus Austria upang pangunahan ang Green Archers sa kanyang kabuuang 26 puntos. Sumunod sina Quiambao na may 16 puntos at Michael Phillips na double-double na 14 puntos, 13 rebound at limang tapal.
Nanguna sa Adalem Construction sina Rojas na may 17 puntos at Joshua Fontanilla na may 16 puntos. Nag-ambag ng 12 puntos si Raymart Angelo Sablan subalit nalimitahan sa 10 puntos lang si Johnsherick Estrada.
Sinigurado ni Juan Gomez de Liano na makakabalik ang Marinero sa finals sa ikalawang sunod na conference at mag-isang binuhat ang koponan sa 4th quarter. Kumana siya ng magkasunod na 3-points upang maagaw ang lamang at lumayo, 64-60, at hindi na nila ito binitawan.
Laro ngayong Linggo – Araneta Coliseum 12:00 PM EcoOil-DLSU vs. Marinerong Pilipino





Comments