top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Easy loan at karagdagang benepisyo pa para sa OFWs

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 9, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 9, 2022


Bayaning buhay ng sambayanang Pilipino, ganyan natin kung ituring ang ating mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil bukod sa labis na sakripisyo ay malaki ang ambag nila sa ekonomiya dahil sa ipinapasok nilang dolyar sa bansa.


Maraming OFWs ang tuluyang nagbago ang buhay, umasenso at nakapagpundar ng marangyang pamumuhay, ngunit hindi maitatangging marami rin sa mga kababayan nating nangibang bansa ang hindi gaanong sinuwerte at hanggang ngayon ay nananatiling OFWs pa rin.


Ilan lang ito sa mga karanasang naibahagi sa atin ng mga kababayan nating OFWs na kahit pabalik-balik na sa ibang bansa ay dumarating pa rin ang pagkakataong hindi nila alam kung saan kukuha ng pera sakaling maysa pamilya.


May pagkakataon naman na nais magtayo ng maliit na negosyo ng isang OFWs, ngunit wala silang naipon para dito at hirap na hirap namang mangutang dahil sa dami ng hinahanap ng dokumento o kaya ay hindi nila kayang bayaran ang napakataas na patubo.


Dahil dito ay nagsumite tayo ng panukalang batas na naglalayong payagan ang isang overseas contract worker na may valid employment contract na makapag-loan sa tanggapan ng Overseas Worker and Welfare Administration (OWWA).


Ito ang Senate Bill No. 265 o ang “Overseas Filipino Workers Credit Assistance Act of 2022”, kung saan ang isang OFWs ay maaaring mag-apply ng loan na hindi lalagpas sa P50,000 upang may magamit silang panggastos na kanilang iiwan sa kanilang pamilya sa kanilang pag-alis.


Malaking tulong din ang nabanggit na halaga upang punan ang mga gastusin sa recruitment, placement fees, documentations expenses, plane fare o iba pang karagdagang gastusin ng papaalis na OFW.


Mahalagang magkaroon ng karagdagang takbuhan ang ating mga OFWs sa panahon ng kanilang pangangailangan upang hindi sila maantala sa kanilang pag-alis dahil lamang sa kakulangan ng panggastos.


Maraming OFWs ang nagbebenta pa ng kung anu-anong naipundar, minsan pati ang kalabaw na ginagamit nila sa pagsasaka ay ipinagbibili pa para lamang mapunan o makapangalap ng halagang kakailangan nila sa pangingibang bansa.


Hindi lamang mga beteranong OFWs ang sakop ng panukala nating ito dahil maging mga kababayan nating magsisimula pa lamang maging OFWs ay kabilang sa maaaring mag-loan bastamay valid employment contract na pangunahing kailangan.


Kung sakaling maging ganap na batas ang panukalang ito, lahat ng mga nais na mag-apply ng loan ay maaaring gamitin ang programa sa pamamagitan ng pagsusumite ng mismong employment contract, plane ticket at bank account na beripikado o binigyan ng sertipikasyon ng OWWA.


Ang naturang loan ay babayaran sa loob ng labing-dalawang buwan hanggang dalawampu’t-apat na buwan na may interest rate na hindi lalagpas sa 6% per annum.


Isa sa titiyakin natin ay dapat na maging magaan ang pagbabayad ng mga OFWs na manghihiram ng pera at hindi ito magiging karagdagang problema pagdating ng panahon o dagdag pasanin sa kanilang pagsisimula sa ibayong dagat.


Para matiyak ang partispasyon ng stakeholders sa proseso ng polisiya, ang implementing rules and regulations (IRR) ng naturang batas ay dapat na binuo o isinaayos ng OWWA para pulidong maipatupad.


Dapat ding may konsultasyon sa mga organisadong labor groups at iba pang may kaugnayang sektor at sa kabilang banda ang IRR ay dapat ding nakapaloob ang probisyon na tutugon naman sa mga may problema o tahasang hindi nakapagbabayad ng inutang.


Naghain din ako ng Senate Bill No. 1580 na naglalayong amyendahan naman ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 na isama ang lahat ng diagnostic laboratory at iba pang medical examination sa coverage ng PhilHealth na kailangan sa aplikasayon abroad ng migrant Filipino workers.


Sa naturang panukala, ang health package sa ilallim ng National Health Insurance Program ay aabot sa mandatory medical test ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagkakahalaga ng halos P10,000.


Para mapakinabangan ng OFW ang banepisyong dulot nito ay kailangang magsumite lamang ng proof of existing offer o contract of employment na direktang mula sa employer o recruitment agency.


Naghain din tayo ng panibagong Senate Bill No. 1104 o ang Magna Carta of Filipino Seafarers na naglalayong protektahan ang karapatan, kaligtasan at kapakanan ng ating mga seafarers at ng kanilang pamilya.


Sa kabuuang 1.77 milyong OFWs sa iba’t ibang bahagi ng mundo at nasa 217,223 ang seafarers, ngunit bago pa magpandemya ay nakakapag-deploy tayo halos kalahating milyong seafarers bawat taon.


Malapit sa puso natin ang mga OFWs, kaya nga nang muli tayong magbalik sa Senado ay muli nating isinumite na maging ganap na batas ang isang panukala na magkaroon naman ng sariling ospital ang mga OFWs at ang kani-kanilang pamilya.


Ganyan kalakas ang mga OFW sa akin!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page