Earthquake drill wa’ ‘wenta, pakitang tao at pagwawaldas lang ng pera
- BULGAR
- Feb 10, 2023
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | February 10, 2023
Nakapanlulumo ang sinapit ng Turkey at Syria sa magnitude 7.8 earthquake.
Epektib ba ang earthquake drill sa ganu’n kalakas na lindol?
◘◘◘
BIYAK ang kalye, gumuho ang mga gusali at siyempre, paralisado lahat ang serbisyo.
Sa aktuwal, maging ang mga ‘relief and rescue’ institution sa calamity area ay biktima rin.
Sino ang dapat sumaklolo sa ganyang sitwasyon?
◘◘◘
DAPAT nating maunawaan na ang ‘rescuers’ ay hindi magmumula sa lugar kung saan tinamaan ng kalamidad.
Tulad ng tsunami sa Tacloban, maging ang mayor, city council o ang mismong coast guard ay nakakapit sa palupo ng bahay.
Ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno sa naturang lugar ay biktima rin, paano sila makakasaklolo?
◘◘◘
ISANG aral ‘yan na hindi maunawaan ng mga kinauukulan. Ang earthquake drill na palaging ginagawa ay walang silbi. Ito ay dahil ang mga“rescuers na nagpapraktis ay posibleng maging biktima kaya balewala ang naturang dril.
Pakitang-tao lang ‘yan at pagtatapon lang ng salapi.
◘◘◘
KAPAG tinamaan ng magnitude 8 na lindol ang ilang isla sa Mindanao, ang taga-Visayas at Luzon ang puwedeng sumaklolo rito.
Kapag may malaking kalamidad sa Luzon, ang mga taga-Mindanao at Visayas ang tutulong.
Kapag tinamaan ng krisis ang Visayas, ang taga-Luzon at taga-Mindanao ang sasaklolo.
◘◘◘
ANO ang pinakaepektibong transportasyon na magagamit sa panahon ng kalamidad?
Tama kayo—mga helicopter at barko.
May nakikita ba kayo na helicopter at barko kapag nagsasagawa ng earthquake drill?
◘◘◘
DAPAT ay magpundar ng libo-libong helicopter at mga seacraft na magagamit calamity area sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Mayroon bang ganyang preparasyon ang gobyerno at pribadong sector tulad ng Red Cross?
◘◘◘
SA panahon ng kalamidad—lindol, bagyo, baha o tsunami—power failure at water crisis ang karaniwang nararanasan.
May paghahanda ba para r’yan? Malungkot ang sagot— wala, bokya!
◘◘◘
GENERATOR, solar panel o battery ang panlaban sa power failure sa panahon ng kalamidad.
Mayroon bang nakareserbang energy source ang bawat barangay, bayan, siyudad o lalawigan?
Malungkot ang sagot— wala.
◘◘◘
SAAN kukuha ng tubig kapag paralisado ang daloy ng iniinom na tubig dahil wasak ang mga instalasyon o halimbawang sumabog ang Angat Dam?
Kapag nagkaroon ng water distribution failure nang ilang araw, linggo o isang buwan, saan magmumula ang tubig ng Metro Manila?
Saan?
◘◘◘
ANG bawat barangay, bayan o siyudad ay dapat may kani-kanyang deepwell bilang reserba sa panahon ng kalamidad.
‘Yan ay isa sa pinakaepektibong preparasyon sa kalamidad na tila ‘magnanakaw’ na darating sa hinaharap.
◘◘◘
MAHALAGANG mag-isip, hindi lang ang mga taga-gobyerno, bagkus ay maging ang pribadong sektor ng inobasyon sa panahon ng kalamidad.
Hindi tayo makakaasa sa gobyerno.
Ang ating buhay ay personal nating responsibilidad, hindi obligasyon ng gobyerno na tulungan ka— ikaw ang tanging obligado rito.
◘◘◘
NGAYON pa lamang, dapat ay magkani-kanyang preparasyon ang bawat isa kontra sa kalamidad o posibleng “giyera” na paulit-uli nang ibinababala.
Sariling buhay natin ay ingatan at hindi dapat umasa sa ibang tao!








Comments