Eala susubukin ang dating partner sa French Open
- BULGAR

- 7 hours ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | May 24, 2026

Photo: Alex Eala - IG
Maaaring isantabi muna ni Filipina tennis star Alexandra "Alex" Eala ang kanyang pakikipagkaibigan sa dating ka-tandem na si Iva Jovic ng Estados Unidos na unang makakatapat sa first round ng prestihiyosong clay-tournament na 2026 Roland Garros: French Open sa darating na Lunes (oras sa Pilipinas) sa Roland Garros Stadium sa Paris, France.
Pinaghahandaang maigi ni Eala ang ikalawang salang sa main draw kontra sa 17th seed na si Jovic, na nakasama nito sa women’s doubles ng ASB Classic at Indian Wells, kung saan umaasang mahihigitan ng first round exit noong isang taon kontra Colombian Emiliana Arango sa tatlong set.
Sakaling palarin ang 33rd SEA games gold medalist ay sunod nitong makakatapat ang magwawagi kina Indonesian Janice Tjen at World No. 39 Emma Navarro ng US sa second round, kung saan ka-bracket din nila sina Donna Vekic ng Croatia katapat si Alice Tubello ng France at ang paluan nina No.22 Laura Siegemund ng Germany at si dating World No.1 Naomi Osaka ng Japan.
Muling nakapasok sa Top-40 ng Women’s Tennis Association (WTA) world rankings ang 21-anyos na left-handed na nagnanais na mapahaba ang kampanya kasunod ng maagang paglabas sa Internationaux de Strasbourg matapos talunin ni Oleksandra Oliynykova ng Ukraine sa round-of-32 sa iskor na 6-3, 5-7, 3-6.
Mula sa No. 42 ay umangat sa No. 38 ang tubong Quezon City tennis player sa nakolektang 1,340 puntos matapos kakitaan ng malaking improvement sa kanyang laro ang 33rd SEA Games gold medalist sa clay-tournament nang makatuntong sa 3rd round ng Italian Open bago tuluyang magtapos sa kamay ni World No. 2 Elena Rybakina ng Russian-born, Kazakhstani sa iskor na 4-6, 3-6.
Hindi gaanong naging maamo ang kapalaran para kay Eala sa clay-court tourneys na maagang napatalsik sa mga torneo ng Upper Austria Ladies Linz Open sa Austria, Porsche Tennis Grand Prix sa Stuttgart, Germany, at Mutua Madrid Open.





Comments