Eala sa World No. 29, Iga nakaabang sa Miami Open
- BULGAR

- 4 days ago
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports News | March 17, 2026

Photo: Umangat na naman para sa panibagong career-high No. 29 si Pinay tennis sensation Alex Eala sa WTA individual rankings kahapon. Nangyari ito matapos ang kampanya sa BNP Paribas Open sa Indian Wells makaraan ang laban kay World No. 14 Linda Nosková. (wtapix)
Tila muling itinadhana ang pagku-krus ng landas nina Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala at kasalukuyang World No.3 Iga Swiatek ng Poland sa Marso 19 sa pag-usad sa third round ng 2026 Miami Open na nagsimula kahapon Marso 16 hanggang 28 sa Hard Rock Stadium sa Miami Gardens, Florida sa Amerika.
Umangat ng tatlong baytang ang 20-anyos na Pinay player para makapasok sa World No. 29 mula sa nakolektang 1,525 puntos matapos makapasok sa round-of-16 ng BNP Paribas Open, kung saan nakakuha ng bye sa first round, habang tinalo si Dayana Yastremska sa 2nd at nakabawi kay World No.4 Coco Gauff sa 3rd round, subalit nagtapos ang kampanya kontra World No. 13 Linda Noskova ng Czech Republic.
Mayroon ulit pagkakataon si Eala na makaangat ng bahagya sa Miami Open matapos mabigyan ng No. 32 seed sa ika-4 na WTA 1000 tourney na nilahukan, kung saan nagtapos sa Dubai Open sa quarterfinals na sinundan ng hindi matagumpay na kampanya sa Qatar Total Energies Open na maagang lumabas sa round-of-64.
Abang sa 2nd round si Eala sa mananalo kina Laura Siegemund ng Germany at dating katambal sa doubles na si Petra Marcinko ng Croatia, habang maaaring makatapat ni Swiatek ang magwawagi kina World No. 49 Magda Linette at World No. 58 Varvara Gracheva ng France.
Matatandaang naging makasaysayan ang pagsabak ni Eala sa 2025 edisyon ng Miami Open hawak ang World No. 140th ranked, subalit nagawang silatin ang mga high-ranking players na sina American Katie Volynets, World No. 26 Jelena Ostapenko ng Latvia, World No. 15 Madison Keys ng US, Paola Badosa ng Spain at World No.2 Iga Swiatek ng Poland bago tuluyang yumuko kay World No. 5 Jessica Pegula sa semifinals.




Comments