Eala bigatin ang katapat, Romanian, babawian sa 2nd round
- BULGAR

- Aug 14
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | August 14, 2026

Photo: Alex Eala at Elena Ruse
Bagaman nakatakas sa first round kasunod ng 17th seed sa Cincinnati Open si Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala – malaking pagsubok ang kakaharapin sa pagkakalinya sa mga bigating katapat sa Top 10 players sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings – sa pagnanais na makamit ang kauna-unahang korona sa WTA 1000 event.
Nakalinyang makakaharap ng 21-anyos na Pinay lefty si Romanian Elena-Gabriela Ruse ngayong Sabado na madaling dinispatsa si Magda Linette ng Poland sa iskor na 6-0, 6-3, patungo sa 2nd round.
Mayroong nakaraang tapatan sina Eala at Ruse noong qualifiers ng 2024 US Open matapos talunin ng kasalukuyang world No.77 si Eala sa three set sa iskor na 6-3, 1-6, 4-6. Sakaling malampasan ng World No.20 at 17th seed na si Eala ang 28-anyos na Romanian, posibleng makaharap naman nito si World No. 10 Amanda Anisimova ng US sa round of 32, na kakaharapin muna si World 50. Zeynep Sonmez ng Turkey sa second round.
Hindi pa man nakakatapat ng Pinay World No.20 ang 2025 Wimbledon at US Open finalist na si Anisimova, nauna ng pinuri ng American tennis player ang masiglang suporta ng mga tagahanga ni Eala at ang kanyang dinamikong istilo ng paglalaro gamit ang kaliwang kamay mula sa baseline noong Dubai Tennis Championships.
Tiyak namang magbabawi ang Southeast Asian Games gold medalist kay World No. 7 at 2026 Wimbledon Open titlist na si Linda Noskova, na panigurong magbabawi rin matapos maagang malaglag sa Toronto Open, na matunog na makakatapat sa round of 16 ni Eala sakaling palarin umabot sa 4th round.
Dalawang sunod na beses tinatalo ni Noskova si Eala sa torneo sa 2026 Indian Wells round of 16 at Berlin Open semifinals, matapos unang beses na nagtapat sa quarterfinals ng French Open Juniors, kung saan unang nagwagi si Eala.
Maaaring magkaroon ng rematch si Eala kay World No. 3 at finalist sa DC Open na si Jessica Pegula sa quarterfinals, gayundin ang isa pang rematch kay Iga Swiatek ng Poland, kung uusad sa semifinals ang 2022 Hangzhou Asian Games double bronze medal winner, at maaaring maganap sa unang pagkakataon ang pakikipagtuos kay World No.1 Aryna Sabalenka ng Russia sa finals.
Mayroong kabuuang 96-player singles na sasabak sa Cincinnati Open, kabilang ang 32 seeds na mayroong byes na papasok sa second round, kung saan, tulad ng sa Toronto, nananatiling hawak ni Sabalenka ang top seed na sinundan nina Rybakina, Pegula at Coco Gauff ng US na bibida sa bawat draw.
May nakalaang $1,085,220 o mahigit sa P66.5 milyon at 1000 rankings puntos sa mananalo sa 10-day tourney, habang ang runner-up ay mayroong matatanggap na $564,920 o mahigit sa P34.6 milyon at 650 WTA points.
Ang dalawang mahuhulog naman sa semifinals ay mayroong $297,315 o mahigit P18.2M at 390 WTA pts, gayundin ang quarterfinalists sa $154,210 o mahigit P9.4M at 215 WTA pts, habang ang fourth round sa $81,752 at 120 WTA pts; third round sa $47,375 at 65 WTA pts; at second round sa $26,255 at 35 WTA pts.





Comments