Eala at Jovic, masusubukan ang 'sisterhood' sa krusyal na laban sa US Open 3rd round
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | September 5, 2026

Photo: Alex Eala Jovic / Circulated
"Talu-talo muna, sister!” Tila ito ang pakiramdam ng malapit na magkaibigang sina Filipina tennis titlist Alexandra “Alex” Eala at American rising Iva Jovic sa hindi maiiwasang muling pagtatapat sa third round ng prestihiyosong Grand Slam tourney na 2026 US Open Championship Linggo ng umaga (oras sa Pilipinas) sa 23,771 seating-capacity na Arthur Ashe Stadium sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa Queens, New York City.
Matatandaang masayang nagtapos sa 3-6 ang iskor pabor kay Jovic sa nagdaang “Stars of the Open” bago ang pormal na pagbubukas ng huling Grand Slam tourney ng taon, kung saan dinaluhan ng libo-libong tagahanga ng tinaguriang ‘Eala-Mania’ o ‘Barangay Eala’ upang masilayan ang dalawang tanyag na manlalaro ng Women’s Tennis Association (WTA).
“Sisterhood and just having friends on tour has helped me so much off the court, on the court. I think the friends that I have I really admire for what they've been through and what they go through,” wika ni Eala sa US Open article, na hanap ang unang panalo kontra sa ka-tropa.
“Specifically referring to Iva, yes, she's an amazing player. Young, very talented, and very intelligent. Of course, she's a high-ranked player and very accomplished. I've encountered my fair share of challenges against her this year. All I can do is give my best and try to do everything that I can to win.” Tangan ng 18-anyos na Amerikana ang 2-0 bentahe sa two-time WTA 125 titlist matapos magkasagupa sa dalawang singles match sa first round ng 2026 French Open sa iskor na 4-6, 2-6, at sa round-of-16 ng HSBC Championships na pumabor muli sa US player sa 2-6, 2-6.
Nagawa na ring magsama ng dalawa sa women’s doubles sa Indian Wells Masters sa round of 32 at ASB Classic na umabot naman sa semifinals. Subalit sapol ng mapanalunan ni Eala ang WTA 500 Mubadala Citi DC Open, kung saan kinakitaan ito ng malaking pagbabago sa kanyang mga laro, gayundin ang hindi pa pagsasalubong ng landas sa hard-court, maaaring mag-iba ang ihip ng hangin, na posibleng pumabor sa 21-anyos na Pinay lefty hitter.
“Obviously, it’s very difficult to be friends and also compete. But there are quite a few people, especially the younger players, who are very open to it. They want to have a good time and build friendships,” pahayag ni Jovic “Then, on the court, its fair game, winner takes all — we go for it. Alex is definitely one of those people where we both put it aside, and we have a great connection.”
Bagaman maituturing na matibay ang pagkakaibigan nina Eala at Jovic, masusubok ang tatag nito para sa pagkakataong makausad sa fourth round o round of 16, na magbibigay ng karapatan para harapin ang mananaig kina Spaniard Cristina Bucsa dating Grand Slam champion at fourth seed na si Coco Gauff ng US.
Gayunpaman, sa pagkakataong ito, tanging isa lamang ang uusad at isa naman ang magtatapos ang kampanya, na magpapatuloy ng karera sa pagpuntirya sa pagkamit sa tumataginting na $5.5 milyon o mahigit sa P339 milyon at 2,000 ranking points para sa women’s singles champion.





Comments