E-vehicle exempted sa number coding, priority sa registration, pasok sa mga programa ng TESDA, etc.
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 20, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay nagbabalak bumili ng electric vehicle at ito ay aking gagamitin bilang Transportation Network Vehicle (TNV) upang ito ay aking mapagkakitaan. Nais kong malaman kung may insentibo ba ang gobyerno sa mga nagmamay-ari ng electric vehicle? - Bryan
Dear Bryan,
Ang batas na sumasaklaw tungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 11697 o mas kilala bilang “Electric Vehicle Industry Act.” Nakasaad sa Section 25 ng batas na:
“Section 25. Non-Fiscal Incentives. - The following non-fiscal incentives shall remain in force for eight (8) years from the effectivity of this Act:
a. For EV users:
(1) Priority registration and renewal of registration, and issuance of a special type of vehicle plate by LTO;
(2) Exemption from the mandatory unified vehicular volume reduction program, number-coding scheme, or other similar schemes implemented by the Metropolitan Manila Development Authority, other similar agencies, and LGUs;
(3) Expeditious processing by the LTFRB of applications for franchise to operate, including its renewal, for PUV operators that are exclusively utilizing EVs; and
(4) Availment of TESDA Training Programs on EV assembly, use, maintenance, and repair for its employees;”
Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang nagmamay-ari ng electric vehicle (EV) ay mabibigyan ng prayoridad sa pagpaparehistro, maging ang renewal nito at sa pagpapalabas ng partikular na plaka mula sa Land Transportation Office. Ang mga EVs ay exempted sa number coding scheme ng Metropolitan Manila Development Authority, at ng mga local government units. Bukod dito, ang mga aplikasyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng mga Public Utility Vehicle operators na gagamit ng EVs kaugnay sa kanilang prangkisa, maging ang renewal nito ay agarang ipoproseso. Ikahuli, ang mga nagmamay-ari ng EVs ay maaaring makinabang sa iba’t ibang programa ng Technical Education and Skills Development Authority kaugnay sa pagbuo at pagkumpuni ng EVs.
Ang mga nabanggit na insentibo ay may bisa sa loob ng walong taon mula ng ipatupad ang R.A. No. 11697, o noong Abril 15, 2022.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments