top of page
Gary V. - IG.jpg

E-bike, irehistro na rin para safe

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 24, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 24, 2024


Posibleng iparehistro na ang lahat ng uri ng mga ginagamit na electronic bikes o e-bikes.


Batay sa Land Transportation Office (LTO), ikinokonsidera na nila ang mandatory registration ng mga e-bikes gaya ng lahat ng sasakyan.


Ito ay dahil sa mga lumabas na report hinggil sa mataas na bilang ng mga aksidente na kinasasangkutan ng mga e-bikes.


Noong nakaraang taon, mula January hanggang November, ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nakapagtala ng 556 aksidente kaugnay ng mga e-bikes sa National Capital Region (NCR).


Sa kasalukuyan kasi ay hindi kinakailangan na magkaroon ng lisensya ang mga e-bike driver.


Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, kung tumatakbo ang sasakyan nang wala pang 25 kilometro kada oras, hindi na kailangang irehistro ito sa LTO kahit na aniya, gusto nilang lumihis sa ganyang kaisipan. Kaya naman gumawa sila ng isang panukala, anuman ang bilis o speed ng sasakyan ay kailangang rehistrado sa LTO. 


Ang mga e-bikes ay ang sikat na mode of transportation para sa parehong mga komyuter at delivery rider.


Marami na sa ngayon ang gumagamit ng electronic bikes dahil sa malaki ang nagiging pakinabang nito bilang transportasyon.


Hindi na kailangan pang magpa-gasolina at bumili ng iba pang ginagamit sa mga sasakyan. Iwas pa ito sa trapik na nararanasan ng marami. 


Kung komyuter naman at mayroong e-bikes, hindi na kailangang mamasahe, gaya ng bisikleta na transportasyon na rin ng mga pumapasok sa mga opisina at eskwela.


Pero dahil sa medyo malaki ito kumpara sa bike, nasasabit ito na kung minsan ay humahantong pa sa aksidente.


Marahil, nais lang ng kinauukulan na mas maging safe ang mga gumagamit at sakay ng e-bike kaya naman pinag-aaralan nilang irehistro na ang mga ito.


Sakali mang tuluyang maging mandatory ang registration ng e-bike, sana ay hindi maging mahirap ito para sa ating mga kababayan at hindi rin malaki ang kanilang babayaran sa pagpaparehistro.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page