Dyowang ‘di ka-compatible, makakatuluyan pa rin
- BULGAR
- Dec 15, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 15, 2021
Dear Maestro,
Alam ko na hindi kami compatible ng boyfriend ko sa Numerology, pero sa Astrology o zodiac sign ay compatible kami. May 25, 1999 ang birthday ko habang February 3, 1997 naman ang ang boyfriend ko. Alin ang masusunod, ang mga numero o Astrology? Nais ko ring malaman kung magtatagal ba ang relasyon namin at kami na ba ang magkakatuluyan? Sa ngayon, limang buwan na kaming mag-on.
Umaasa,
Zandra ng Bagong Bayan, Mauban, Quezon
Dear Zandra,
Base sa mga pag-aaral at masusing pananaliksik na isinagawa, higit na nanaig ang impluwensiya ng zodiac sign sa aspetong relasyon, gayunman, minsan ay hindi maaalis na nanaig din ang kombinasyon ng mga numero.
Sa kaso n’yo ng boyfriend mo, tama ka, compatible kayo dahil ang Gemini ay pinaghaharian ng elementong hangin o air, tulad ng Aquarius na siya namang zodiac sign ng boyfriend mo na pinangingibabawan din ng parehong elemento.
Sa Numerology naman, hindi gaanong compatible ang birth date mong 25 o 7 (ang 25 ay 2+5=7) sa birth date niyang 3. Gayunman, sa sandaling sinuri ang destiny number n’yo, ganito ang lalabas; sa kaso mo, ang May 25, 1999 ay 5+25+1999=2029/ 20+29=49/ 4+9=13/ 1+3=4.
Habang sa kaso ng boyfriend mo na may birthday na February 3, 1997 ay 2+3+1997=2002/ 20+02=22/ 2+2=4, ay nagkataon nga na parehong four (4) ang inyong destiny number.
Ibig sabihin, lumalabas na magka-compatible pa rin kayo sa Numerology, partikular sa parehong destiny number n’yong 4.
Sa matuling salita, kahit hindi masyadong compatible ang birth date mong 25 sa birth date niyang 3, tunay sa Astro-Numerology na pagsusuri, tulad ng naipaliwanag na, tugma at compatible pa rin kayong dalawa.
Dahil dito, siguradong tatagal pa rin ang inyong pagsasama, higit lalo kapag nanaig nang husto ang pangunahing ugali ng numerong 7 na mabait, tapat at mapagmahal, kasabay naman ng pananaig ng ugali ng numerong 3, na birth date ng boyfriend mo, tapat, matiisin, marunong magsakripisyo, malambing at masarap ding magmahal.
Kaya siguradong magtatagal at malamang na humantong na rin ang inyong relasyon sa masaya at panghabambuhay na pagmamahalan.




Comments