Dyowa, ‘di mahilig sa luho… COCO, NAKA-JACKPOT DAW KAY JULIA
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | June 3, 2026

Photo: - IG @cocomartin_ph
Malaking challenge para sa aktor-direktor na si Coco Martin ang bago niyang seryeng Sigabo. Dapat niyang patunayan sa mga viewers na tatangkilikin ang serye na ang kuwento ay sarili niyang likha.
Ang mga nauna niyang proyekto sa Kapamilya Network na Ang Probinsyano (AP) at Batang Quiapo (BQ) ay hango sa mga pelikulang ginawa noon ni Fernando Poe, Jr. (FPJ). Nang isalin ito sa telebisyon ay tinangkilik ng mga viewers at tumagal sa ere nang maraming taon.
Ngayon, kailangang makawala si Coco sa imaheng iniwan ng mga nakaraang serye niya na tatak-FPJ. Kailangang magustuhan ng publiko ang bago niyang karakter sa Sigabo.
Malaki rin ang inilaan niyang puhunan sa naturang proyekto. Katuwang niya si Julia Montes na in-charge sa aspetong pinansiyal ng production.
Aminado si Coco na malaking tulong talaga sa kanya si Julia bilang partner in life. Marami raw siyang natutunan sa buhay mula nang maging karelasyon si Julia. Natuto siyang mag-adjust at intindihin ito para maging masaya at tahimik lagi ang kanilang bahay.
Feeling jackpot din si Coco na si Julia ang naging katuwang niya sa buhay dahil masinop ito sa pera at hindi waldas. Hindi mahilig sa luho ang aktres at simple lang ito. Kaya naman, tumagal ang kanilang pagsasama ni Coco at swak talaga sila sa maraming bagay.
Nanay at Tatay na rin ang kanilang tawagan. Kailan nga kaya sila magpapakasal at aamining may mga anak na sila?
SA kabila ng mga batikos kina dating Sen. Bong Revilla, Jr. at Sen. Jinggoy Estrada, marami pa rin ang nakikisimpatya sa sinapit ng kanilang political career.
Nananatili ang suporta sa kanila ng mga taong kilalang-kilala ang kanilang pagkatao at kung sino sila sa totoong buhay.
Sinner or saint, patuloy ang paninindigan ng kanilang mga kaibigan at tagasuporta sa kabila ng batikos at paghusga ng ilan.
Umaasa silang malalampasan nina Revilla at Estrada ang mga pagsubok na kanilang kinakaharap ngayon. Dasal ng mga kaibigan, patuloy silang magpakatatag hanggang lumabas ang katotohanan.
NASA Pilipinas na ang Kapuso actress na si Lovi Poe kasama ang kanyang baby. Excited ang mga fans na makita ang anak ng aktres. Mula kasi nang ipanganak, hindi pa ito ipinapakita ni Lovi sa publiko.
Marami ang curious kung kanino nagmana ang bata — sa kanya ba o sa foreigner niyang mister na si Monty Blencowe?
Hinihintay ng publiko ang tamang panahon kung kailan siya handang ipakilala ang anak.
For sure, hindi naman pahuhuli sa ganda ang anak ni Lovi Poe sa mga celebrity babies tulad nina Baby Amila (nina Angelica Panganiban at Gregg Homan), Peanut (nina Luis Manzano at Jessy Mendiola), Dylan (nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo), at Mochi (nina Pauleen Luna at Vic Sotto).
HINAHANGAAN ang dedikasyon ni Katrina Halili sa kanyang anak na si Katie. Buong-puso niyang inaalagaan at sinusuportahan ang anak na may special needs.
Dahil dito, namuhay nang maayos at produktibo si Katie at nakapagbukas pa ng sariling maliit na negosyo na may health products. Suportado rin ito ng mga kaibigan nina Katrina at Kris Lawrence.
Para sa aktres, si Katie ay isang malaking biyaya at itinuturing niyang lucky charm.
Todo-pasalamat din siya kay Kris Lawrence na naging katuwang ito sa pagpapalaki at paggabay kay Katie, na nagbigay sa kanilang anak ng masayang pamilya.





Comments