Dynamic Herb, mapapalaban sa United City ng PFL Talisay
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 15, 2022

Bagong hamon ang haharapin ng numero unong Dynamic Herb Cebu FC sa kanilang pagsalubong sa mga bisita mula sa defending champion United City FC sa tampok na laban ngayong araw sa 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways sa
Dynamic Herb-Borromeo Sports Complex ng Talisay City, Cebu.
Sisipa ang aksiyon ng 3 p.m. at huhugot muli ng lakas ang Gentle Giants mula sa kanilang mga tagahanga at sundan ang 3-2 panalo sa Kaya FC Iloilo noong nakaraang linggo.
Walang iba kundi ang solong liderato ng PFL ang nakasalalay. Papasok sa laban ay may 20 puntos sa 9 na laban ang Cebu na isa lang ang lamang sa humahabol na United City na may 19 puntos subalit 7 beses pa lang naglalaro.
Taglay ng United City ang pinakamahigpit na depensa sa liga na 0.4 goal lang ang ginagawa ng kanilang kalaro at makikita kung uubra ito sa Cebu na may pinakamatinding opensa na 3.0 goal bawat laro. Malaking bagay sa opensa ng Cebu ang tambalan nina Arda Cinkir at Chima Uzoka na responsable para sa 15 ng kanilang kabuuang 27 goal sa torneo. Nangunguna sa PFL si United City goalkeeper Anthony Pinthus na may tatlong clean sheet o walang pinalusot na goal sa laro.
Samantala, nanatili sa ika-53 ang Philippine Women’s Football National Team sa pinakabagong FIFA Women’s World Ranking na inilabas noong Biyernes. Ito ay resulta ng kanilang mga nakalipas na FIFA Friendly kung saan natalo sila sa New Zealand, 2-1, at sinundan ng 1-1 tabla at 2-1 talo sa Costa Rica.
Mga laro ngayong Sabado: 3 p.m. Dynamic Herb Cebu vs. United City (Talisay City, Cebu) 4 p.m. Maharlika Manila vs. Azkals Development Team (Carmona, Cavite)





Comments