top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Dynamic Cebu, nakabawi sa PFL; Young Azkals, bigo sa U-17 Asia Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 11, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 11, 2022



Numero uno muli ang Dynamic Herb Cebu FC sa 2022-2023 Philippines Football League (PFL) matapos makaganti sa Kaya FC Iloilo, 3-2, sa siksikang Dynamic Herb-Borromeo Sports Complex sa Talisay City Linggo ng gabi. Umakyat ang Gentle Giants sa 20 puntos mula sa 6 na panalo, 2 tabla at isang talo at umuwing masaya ang mga tagahanga sa unang laro sa kanilang opisyal na tahanan.


Nakaunang goal si Robert Lopez Mendy para sa Kaya sa ika-18 minuto subalit itinabla ni Man of the Match Mert Altinoz ang iskor sa ika-33 minuto. Hindi pa tapos si Altinoz at pinalamang ang Cebu isang minuto pa lang ang lumilipas sa second half at sinundan ng isa pa galing kay Arda Cinkir sa ika-50 minuto at ito ay sumapat kahit humirit ng isa pang goal si Lopez Mendy sa ika-82 minuto.


Noong Sabado, pansamantalang tinikman ng defending champion United City FC ang liderato matapos talunin ang Mendiola FC 1991, 2-0, sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Sapat ang mga goal nina Man of the Match kapitan Alan Robertson sa ika-45 minuto bago magsara ang first half at Ricardo Sendra sa ika-73 minuto para sa 19 puntos mula sa anim na panalo at isang tabla.


Samantala, walang mauuwing panalo ang Pilipinas sa 2023 AFC Under-17 Asian Cup Qualifiers nitong nakalipas na linggo sa Amman, Jordan. Sunod-sunod na lumuhod ang Batang Azkals sa Turkmenistan (2-0), defending champion Japan (3-0), host Jordan (3-1) at Syria (6-2) upang maging kulelat sa limang bansa sa Grupo A.


Tutuloy sa torneo ang Japan, Malaysia, Qatar, Saudi Arabia, Yemen, Vietnam, Australia, Tajikistan, Iran at Uzbekistan na kampeon sa kanilang mga grupo at mga pumangalawang Timog Korea, China, Afghanistan, India, Thailand at Laos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page