top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Dumarating ang insidente ng sunog, dapat agapan

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 28, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 28, 2024


Nakapagtala ng pagtaas ng mga insidente ng sunog sa buong bansa nito lamang unang dalawang buwan ng 2024.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), may kabuuang 2,742 na sunog ang nai-record, kung saan 23 porsyento na mataas ito kumpara noong nakaraang taon na 2,224 kaso sa parehas na dalawang buwan.

Batay sa datos ng BFP, ito ay mula sa Enero 1 hanggang Pebrero 26, 2024.


Ngayong taon, ang mga kaso ng sunog ay nagtala rin ng kabuuang 55 nasawi, kumpara sa 39 namatay last year, habang mayroong 184 ang sugatan, kumpara naman sa 154 nasaktan noong nakaraang taon.

Mayroon ding kabuuang 18 BFP personnel na nasugatan, na mas mataas kaysa sa pitong nagtamo ng mga sugat noong 2023.


Gayundin, umabot sa P1.23 bilyon ang napinsalang mga ari-arian na nai-record, kumpara sa P1.11 bilyon noong nakaraang taon.


Bumaba naman ang mga fire incident sa Metro Manila ng 55 porsyento na mayroong 222, kumpara last year na may 491. Habang ang halaga ng danyos sa ari-arian ay umabot sa P511.60 milyon kumpara sa P317.01 milyon noong 2023 o 61 porsyentong mas mataas ito.


Sa datos pa ng BFP ay lumabas na ngayong January 2024, hindi bababa sa 123 munisipalidad ang walang mga fire truck at gusali. Ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang may pinakamataas na bilang ng mga munisipalidad na walang fire truck at istasyon na 58; sinundan ng Region VIII (Eastern Visayas), 14; Region IX (Zamboanga Peninsula), 12; Region X (Northern Mindanao), 11; at Cordillera Autonomous Region (CAR), 10.


Nakakaalarma ang mga report hinggil sa pagtaas ng mga kaso ng sunog na nagaganap sa buong bansa.

Kung iisipin, hindi pa natatapos ang unang quarter ng taon ay sumirit na ang mga naitatalang bilang ng naturang insidente.


Marahil, nakakaapekto rin dito ang tumitinding El Niño phenomenon na ating nararanasan kaya naman dumarami ang mga nagiging kaso ng sunog.


Dapat sigurong mas pag-ukulan ng atensyon ng kinauukulan ang problemang ito, lalo na ang pagtugon sa kakulangan ng mga fire truck at stations sa maraming lugar sa bansa. Kailangan din natin na magsagawa ng mga awareness program sa pag-iwas sa sunog na kahalok ang taumbayan.


Panawagan lang natin sa mga kababayan na palagi nating tingnan at inspeksyunan ang ating mga kasangkapan, pati na sa loob at labas ng ating bahay para maagapan at makaiwas sa disgrasya na magiging sanhi ng pagsiklab ng apoy. Higit sa lahat ay proteksyunan ang ating sarili sa posibleng panganib ng sunog.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page