- BULGAR
Dumaraming mahihirap, ‘di dapat mawalan ng pag-asa
@Editorial | June 7, 2022
Dumami pa ang bilang ng mahihirap na pamilyang Pilipino ngayon ayon sa pagsusuri ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2021.
Ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM), pumalo sa 600,000 ang bilang ng mahihirap na pamilya sa bansa dahilan para pumalo na sa 4.6 milyon ang kabuuang bilang ng mga ito sa Pilipinas.
Nasa 23% na rin umano ng kabuuang populasyon ang bilang ng mga Pilipinong nabubuhay below poverty line, mas mataas ito ng 2% kumpara sa naitala ng kagawaran noong taong 2018.
Ang pangunahing dahilan ay ang kinahaharap na COVID-19 pandemic kung saan, lahat ay apektado sa ipinatupad na lockdown.
Umabot na tayo sa sitwasyon na hindi na sapat ang isang income earner para mabuhay ang isang pamilya.
Sa kabila ng katotohanang ito, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mamamayan na sa susunod na administrasyon ay muling sisigla ang kabuhayan.
Kaya ang pakiusap sa mga itatalagang opisyal, pag-isipang mabuti ang mga gagawing programa at proyekto.
Ngayon masasaksihan ang tunay na galing ng gobyerno sa pagpapatakbo ng mga polisiya at pagbangon sa isang bansa na grabeng naapektuhan ng pandemya na sinasabayan pa ng mga krisis sa ekonomiya.
Samantala, ibinahagi naman ni Perez ang mga programang patuloy na ilulunsad pa ng POPCOM ngayon sa ilalim ng susunod na administrasyon upang makatulong na maibsan ang kahirapang nararanasan ng ating mga kababayan kabilang na ang patuloy na pagsuporta sa family planning, food security, pabahay at wage policy.