- BULGAR
DTI: SRP ng pangunahing bilihin, ‘di tataas
ni Ryan Sison - @Boses | July 4, 2022
Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang paggalaw sa presyo ng basic necessities at prime commodities na nasa ilalim ng suggested retail price (SRP).
Ito ay sa kabila ng paghiling ng mga manufacturer na magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto at kasabay nito, binigyang-diin pa ng ahensya na may umiiral na patakaran para rito.
Kaya hangga’t hindi inaaprubahan ng DTI ang hiling na price adjustment, hindi ito magiging epektibo.
Dagdag pa ng ahensya, ang mga ganitong hiling ay pinag-aaralan muna nang mabuti ng pamunuan at kapag inaprubahan ang mga naturang kahilingan, saka pa lamang umano gagalaw ang presyo.
Ngunit sa ngayon, patuloy na binabantayan ng ahensya ang presyuhan sa pangunahing bilihin.
Ngayong nilinaw ng DTI na mananatili ang SRP ng mga pangunahing bilihin, hangad nating tatalima ang mga negosyante.
Gayundin, sana’y talagang mabantayan ng mga kinauukulan ang presyo ng mga bilihin nang sa gayun ay matiyak na walang mang-aabuso.
Hindi na kasi talaga kinakaya ng ilan ang pagtaas ng presyo ng bilihin at kung masasamantala pa, ano na lang ang mangyayari?
Isa pa, pakiusap din natin na parusahan ang mahuhuling mananamantala.
At panawagan sa mga manufacturer at negosyante, hintay-hintay lang tayo. Batid nating masusing pinag-aaralan ng ahensya ang inyong hiling, kaya sana, kaunting tiyaga pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com