Drug war ni P-BBM, palpak dahil sa mga pasaway na pulis
- BULGAR
- Apr 17, 2023
- 1 min read
@Editorial | April 17, 2023
Nakakadismaya ang pagkakadawit ng ilang opisyal at mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa sinasabing takipan kaugnay sa nakumpiskang P6.7 bilyong halaga ng shabu noong 2022.
Ang masaklap, kabilang pa sila sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG), na inaasahan nating mangunguna sa paglaban sa mga sangkot sa ilegal na droga.
Kaya ang panawagan kay Pangulong Bongbong Marcos, magsagawa na ng reorganisasyon dahil mismong mga opisyal ay dawit sa kalokohan.
Kung nasa hanay mismo ng mga awtoridad ang pasimuno sa paglabag sa batas, walang saysay ang war on drugs, wala itong patutunguhan.
Samantala, sa mga itinuturong sangkot sa umano’y cover-up na mariing itinatanggi ang akusasyon, lalabas at lalabas naman ang katotohanan.
Para naman sa lahat ng nasa kalakaran ng ilegal na droga, magbago na kayo habang may pagkakataon. Maawa kayo sa mga biktima ng droga. Marami nang nawasak na pamilya at nasirang kinabukasan ng mga kabataan.
Talamak ang krimen, halos kaliwa’t kanan ang mga nagaganap na pagnanakaw, panggagahasa at pagpatay, na ang sangkot, nasa ilalim ng impluwensya ng ilegal na droga.
Ito na ang panahon para patunayan ng gobyerno na hindi natitinag ang batas at kaya nitong mapanagot ang mga nagpapakasasa sa yaman at kapangyarihan gamit ang droga.



Comments